Sa buhay natin ay may darating,
Taong magpaparamdam ng saya,
Ang siyang magkukulay sa normal nating mundo.
Siyang magbibigay ng pag-asa na sa pag-iisa ay mayroon tayong kasama.
Siyang magtuturo sa atin ng tunay nating halaga.
At siyang magtuturo na ang pag-ibig ay isang laban na hindi dapat sukuan nang hindi ipinaglalaban,
At magtuturong hindi ko kailangang manatili para mahalin ka ng lubusan.
Ikaw na nga ba aking sinta?
Bakit pag ika’y kasama, ako’y di nangangamba?
Bakit pag ika’ y kasama, ngiti ko’y di maipinta?
Bakit pag ika’y kasama, problema ko’y nawawala?
Bakit pag ika’y kasama, oras ay tila gusto kong tumigil na?
Bakit nga ba, oh aking sinta?
Na sa tuwing kasama ka, ako’y nalulunod sa iyong mga mata na nagsasabing “Mahal kita”.
Sa aking pag-iisa, ako’y nangungulila
Nag-iisip kung ikaw na nga ba ang bigay NIYA.
Pero ako’y nababalisa, sa tuwing ikaw ay kausap na ng mga taong mapanghusga.
Ako’y di mo kayang ipaglaban sa kanila
At hindi mo kayang ipagsigawan na “Mahal kita, oh aking sinta”
Bakit nga ba hindi mo kaya?
Bakit nga ba hindi ko din kaya?
Ako’y naduduwag sa sasabihin nila at ng mga mata nilang mapanghusga.
Ako’y natatakot na muling magmahal pa,
Magmahal ng sobra na sa huli ay huhusgahan nila.
Kaya ang tanging hiling sana,
Na sa pagsambit mo ng aking pangalan sana’y kasunod ay “mahal ko siya”
Pero hindi pa kaya dahil sa sasabihin ng iba.
Ikaw ba at ako’y duwag?
Ako’y nababagabag.
Mahal kita pero hindi ko kaya.
Mahal mo din ba ako o sadyang hindi tlaga tayo?
Saan kaya tayo dadalhin nito.
Bakit tayo pinaglalaruan ni kupido?
Mahal kita sa lahat ng anggulo.
Pagmamahal na kayang magparaya para sa kaligayahan mo.
Hindi ka kayang angkinin ng puso ko.
Hayaan mo lang ako hanggang sa puso ay sumuko.
Bakit nga ba kaya kitang pakawalan?
Bakit kayang piliin ang iyong kasiyahan kahit ako’y masasaktan?
Ganoon ba ako kamanhid?
Or ganito lang talaga ako umibig?
Hindi ko makita ang dahilan
Dahilan kung bakit mahal kita ng lubusan.
Kahit ako’y iyong nasaktan,
Pagtingin ko sayo’y hindi nagmaliw kailanman.
Ang sabi ng puso’y ikaw ang aking paniwalaan
Kaya ba ako’y nagugumilahanan?
Hanggang kailan kita kayang ipaglaban?
Pero sa tingin ko’y kailangan ko na tong tigilan
At sa tingin ko’y kailangan na kitang pakawalan.
Hindi dahil sa hindi na kita mahal,
Bagkus, ikaw ay aking iniibig ng walang hanggan,
At ayaw kitang igapos sa aking kahamakan.
Dahil hindi lahat ng pagmamahal ay ipinagpapatuloy sa laban na ako nalang ang lumalaban.
Ang pag-ibig ko sayo’y di susukuan,
Pero ikaw ay papakawalan.
Mahal kita sa bawat salita at kataga
Pero hanggang dito nalang sa lugar na malayo sayo at sa madla.
Dahil hindi kayang sarili’y mawala mapatunayan ko lang na mahal kita.
Ipinaglaban kita kahit sobrang sakit na,
Naniwala ako kahit hindi na kapanipaniwala,
Ipinaglaban kita kahit mas madami ng luha kaysa ngiti sa aking mga mata
At ipinaglaban kita kahit mas madami ng away kaysa tawa.
Kaya’t ako’y hindi na kailangang manatili pa.
Mahal kita at mamahalin pa hanggang sa pagtanda.
At hindi ka mawawala sa puso kong ikaw ay nakaukit na.
Pero hanggang dito nalang aking sinta.
Dahil hahayaan kong ang Diyos ang magdikta,
Magdikta na ikaw ay para sakin sa tuwina.
Hindi ako mawawala, pero ikaw ay malaya na.
Papakawalan kita dahil kung akin ka ay babalik ka.
Sana ikaw na nga ang KANYANG itinakda.
Itakda ng tadhana at ng kabutihan NIYA.
Pero kung hindi man ikaw sinta,
Tandaan mong ipinaglaban kita.
At ipaglalaban pa hanggang sa dumating ang araw na itinakda.
Ang araw na ikaw at ako’y magkikita, sa harap ng Diyos na nagtakda sa ating dalawa.
Darating kaya ang araw na itinakda para sa ating dalawa?
Ikaw nga ba ang itinakda NIYA?
“If ever we’ll not be together, can you promise me to look for a person who loves you better than me cause you deserve to be loved unconditionally.”