KUNG MAGIGING TAYO
Categories Waiting

KUNG MAGIGING TAYO

Masarap isipin na bahagi ka ng mga posibilidad, na sa ngayon ay hindi ko pa alam kung kailan matutupad.

Kung magiging tayo, ano nga kayang espesyal na pantawag ang ibibigay ko sa’yo? Yung pantawag na alam mong ako lang ang may kakayahan at may karapatan na gamitin at sambitin.

Kung magiging tayo, ano-anong lugar kaya ang mararating natin at gaano karaming alaala ang maaari nating buuin?

Kung magiging tayo, paano kaya kita ipakikilala sa pamilya at kaibigan ko. Gayun din, paano ko kaya ipakikilala ang sarili ko sa pamilya at kaibigan mo?

Kung magiging tayo, ilang daang liham kaya ang maisusulat natin sa isa’t isa? O ilang text, chat at tawag kaya ang ilalaan natin sa bawat araw na magkalayo tayong dal’wa?

Kung magiging tayo, paano nga ba natin susuyuin ang isa’t isa sa tuwing nagkakamali, sa tuwing nawawalan ng pasensya o sa tuwing naiisip na umayaw na?

Kung magiging tayo, paano nga ba natin pagpaplanuhan ang hinaharap? Paano nga ba natin sisimulan ang ating mga pangarap?

Pero bigla ay naisip ko, na ang lahat ng ito’y likha lang din ng aking isip. Magmula nang makilala ka hanggang ngayon na nagpasya na akong limutin ka. Nasa isipan pa rin kita.

Paano nga ba magiging posible na bigyan ka ng espesyal na pantawag kung maski ang pangalan mo’y hindi ko masambit o matawag?

Paano nga ba magiging posible na marating natin ang malalayong lugar kung maski ang isang metrong distansya na layo sa iyo ay hindi ko man lamang matawid o mahakbang?

Paano nga ba magiging posible na maipakilala natin ang isa’t isa sa pamilya at mga kaibigan, kung ang tunay na relasyon natin ay pawang mga estranghero na minsang ‘di sadya ay nagkasalubong sa daan?

Paano nga ba magiging posible na magkaroon tayo ng pagpapalitan ng mensahe, kung maski ang damdamin ko ay kailanman hindi ko pa nasabi?

Paano nga ba magiging posible na magkaroon tayo ng suyuan kung kailanman, ang bawat hinaing at pasaring ko sa aking nararamdaman ay ‘di mo nabigyang pansin, at hindi man lamang napakinggan?

Paano nga ba magiging posible ang pagpaplano natin sa hinaharap kung sa katunayan naman pala ay may iba kang pinapangarap?

Kung magiging tayo.

Kung posible na maging tayo.

Kung…

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *