Tatlo tayo. Hapon nun. LRT Central to Edsa Station.

Nakatayo lang tayo. Humawak ako sa handrail at ikaw naman sa kamay ko. Inalis ko yung kamay ko, nilipat sa ibang pwesto at inulit mo yung ginawa mo. Ganun ulit at inulit mo na naman. May mga pasaherong napatingin akala siguro hindi tayo magkakilala, o akala magkaaway. Tinatawanan pa tayo ng kaklase natin. Hindi mo alam kinikilig na ko. Matagal ng higit pa sa kaibigan ang tingin ko sayo.

Sana pala hindi ko hinawi yung kamay mo nun. Sana hinayaan ko na lang para napasaya kita sa pang-aasar mo. Sana pala hinintay ko hanggang sa ikaw yung kusang bumitaw at mailang. Sayang yung ilang minuto na maranasan kong hawak mo yung kamay ko kahit na alam kong biro lang. Mga sandaling di na maibabalik na hanggang sana at sayang ang mga salitang nasa isipan.