Mahal ko na siya
Categories Relationships

Mahal ko na siya

Hindi ko ito gustong simulan. Hindi dahil ayokong masundan. O magkaroon ng pagkakalinawan. Kung hindi dahil takot ako sa katapusan.

Sa katapusan na laging nakabantay. Laging nakaantabay. Sa walang humpay na pag-aaway. Kung mauuwi ba sa bati at ngiti. O pagbubukludin ng hiwalay.

Hiwalay. Na siyang dahilan ng lamat. Sa puso kong dating tapat. Dahil ang sabi mo ang ‘ako’ ay sapat. Pero hindi ka pa rin nakuntento sa binigay kong lahat.

Oo, ang lahat-lahat mo. Ngiti at tawa. Dulot nito sa akin ay kakaibang saya. Pero ngayon ay puro na lang pagluha. Dahil alay mo na ‘to sa iba.

Iba. Ipinagpalit mo ko sa kaniya. Sige, ako na ang tanga. Tang*na, naniwala akong kaibigan mo lang siya. Kasi iyon ang sabi mo kahit iba na ang bigkas ng iyong mata.

Pangalan na niya. Tanging mukha na lang niya ang iyong nakikita. Na dating ako, ako na lang ulit sana. Bakit nagkaganoon tayong dalawa. Bakit ang para sa dalawa ay dinagdagan mo pa ng isa?

Dating alay sa aking ‘mahal kita’ ay tila naglaho. Wala na. Dahil ng tanungin kita, ‘Bakit?’ Ang sagot mo, ‘Mahal ko na siya.’