Isusulat ko ang liham na ito kahit alam kong suntok sa buwan ang pagkakataong masabi ko ang tunay kong nararamdaman sayo. Pilit na inubuhos ang tinta sa pagsulat ng mga katagang mahal kita, ilang beses ko na ring pilit binubura. Sapagkat napangungunahan ng takot at pangamba na baka ako lang pala ang nakakadama. Nakakatakot dahil hindi ko pa nga nasasabi ang aking niloloob ay tila nakatingin ka na sa iba. Isang pahiwatig na kahit anong pilit kong pagsama-samahin ang letra upang makabuo ng tamang salita ay hindi pa rin ito sapat. Isang musika na hindi maaring maikanta na kahit mahaba ang liriko ay hindi mabibigyan ng tono.
Kapag nakarating sayo ang liham na ito, nais kong sabihin na ikaw ang aking tinatangi na kailanman hindi ko itatanggi. Hindi baleng hindi ako, basta masabi ko lang na ang sinisigaw nitong puso ay ikaw, ikaw lang. Mahal kita, hindi iyon magbabago kalaban ko man ang panahon at tadhana. At sa kahuli-hulihang parte nitong liham nais ko sanang sabihin sayo…
Ikaw ang nag-iisang buwan sa isang libong mga tala.
Nagmamahal,
Ako.