Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
Bakit ganoon, ano? Kapag nang-iwan ka, ibig sabihin ikaw iyong sumuko, ikaw iyong hindi lumaban, ikaw iyong hindi nagmahal nang lubos, ikaw iyong may ginawang masama at syemre, ikaw iyong nagkamali. Bakit? Bakit ganoon na lamang lagi?
Hindi ba pwedeng nang-iwan ka dahil nasaktan ka? Nasasaktan ka na? Nasasaktan sa sobrang pambabalewala niya sa iyo. Nasasaktan ka na dahil kahit anong gawin mo, parang wala namang nagbabago. Nasasaktan ka na kasi kahit anong effort na ipakita mo, oras na kaya mong ibigay, pagmamahal na kaya mong ibahagi ay wala na lamang sa kanya kasi…kasi iyon na iyong pinaparamdam niya sa iyo. Na kahit hindi man lumabas sa kanyang bibig na hindi ka na niya mahal, na hindi na niya kayang ibalik iyong pagmamahal na deserve mo, na hindi na niya kaya pang gugulin ang oras niya sayo ay nararamdaman mo? Nararamdaman mo kasi hindi na siya iyong katulad ng dati na punung-puno ng pagmamahal na kahit hindi niya sabihin ay nararamdaman mong mahal ka niya. And that is the thing, kahit hindi sana nila sabihin, malalaman naman dapat natin kung meron pa o wala, hindi ba? At alam ko…alam kong wala na. Wala na kasi hindi ko na maramdaman iyong pagmamahal na pinaparamdam niya sa akin dati. Mali ba na iniasa ko ang dapat kong maramdaman sa hindi niya pagsabi ng kanyang totoong nararamdaman?
Pero paano kung ako nga talaga iyong hindi na makaramdam ng pagmamahal para sa kanya? Na baka tama nga sila, na sumuko ako, na ako iyong hindi na siya pinaglaban, na hindi ko na siya mahal nang lubos, na may ginawa akong masama at ako iyong nagkamali? Kaso hindi. Mahal ko siya. Sobrang mahal ko siya. Kahit pa mapagod ako sa kaiintindi sa kanya, mahal ko siya. Kahit ilang beses kong maramdaman na wala na, ni hindi ko siya kayang iwan kasi naniniwala akong may pag-asa pa, na kahit konti ay meron pa. Ngunit nangyari na ngang sumobra na ang lahat. Na sobrang hindi ko na kaya. Dalawa kami. Dapat dalawa kami sa pagbuo ng matatag na samahan ng isang relasyon at ngayong naramdaman ko na iyong bigat ng mag-isa sa relasyong dapat dalawa ang bumubuo ay bumigay na rin ako. Ito na nga lang ba iyong hinihintay niya? Iyong sumuko ako kasi hindi niya kayang sabihin ng diretso sa akin na hindi na niya ako mahal, na wala naman na talaga, na nag-stay na lamang siya kasi doon na siya naging kumportable?
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:
Minsan ko lamang sinabi na, “Wala ka ng babalikan,” dahil sa frustration ko sa sarili ko, sa career ko at sa nangyayari sa amin ay doon na nga natapos lahat. Galit ako, naiinis at nalulungkot kaya ko nasabi ang mga salitang iyon pero bakit? Bakit kung kailan ako iyong napundi, hindi siyang iyong naging ilaw ko? Kung kailan ako iyong sumuko ay hindi siya iyong nagpakatatag para sa aming dalawa? Minsan ko lamang sinabi pero agad nangyari? Pero bakit kahit ilang beses na niyang pinaramdam na wala na ay hindi ko kailanman naisip na iwan siya o isuko siya? Hinihintay na lamang ba niya na ako iyong kusang bumitaw, na ako mismo iyong mang-iwan sa kanya?
Hindi ba pwedeng suyuin mo rin ako? Ako rin naman intindihin mo? Alam ko namang hindi ako perpekto pero ginawa ko ang lahat para hindi tayo matapos kasi naniniwala akong maayos pa. Hindi ba dapat magcompromise tayo? Maging vocal tayo sa mga dapat at hindi dapat, mga gusto at ayaw natin? Ako ang naging boses mo sa mga gusto at ayaw mo, mga dapat at hindi dapat kasi…kasi sabi mo iyong gusto ko na lamang kasi iyon din ang gusto mo. At simula noon, alam kong mag-isa na lamang ako sa relasyong tayong dalawa ang nagtatag, ang bumuo. Nagpakatatag ako kasi nangako tayong dalawa sa isa’t isa na walang susuko kasi strong dapat tayo, kasi kaya nating dalawa. Dalawa, pero bakit ang bilis mo namang pinaramdam na mag-isa na lamang ako kahit tayo pang dalawa? Sobrang unfair pero kinaya ko kasi naniniwala ako sayo, sa akin, sa ating dalawa. Minsan lang ako bumitaw para punasan iyong pawis na dulot ng pagbuhat sa relasyong dapat dalawa ang nagbubuhat ay doon ka na rin bumitaw.
Ngayong alam na ng lahat, ito lamang ang tanong ko. Kapag ba nang-iwan ka ay kailangan bang kasalanan mo, na ikaw lagi ang may mali? Hanggang kailan magiging masama sa paningin ng iba ang mga nang-iwan? Dalawa kami but here is my side, the side that no one even bothered to listen to, and find out.