Kung mahal mo siya dahil maganda siya. OK. Pero kung mahal mo siya kahit kita mo na lahat ng dumi niya, mahal mo nga talaga siya.
Kung mahal mo siya dahil maibabandera mo siya. OK. Pero kung mahal mo siya kahit ikaw mismo hindi mo na siya matignan pero pinipili mo pa ring titigan siya mata sa mata at alalahanin ang tunay niyang ganda, mahal mo nga talaga siya.
Kung mahal mo siya dahil nakikinabang ka sa kaniya. OK. Pero kung mahal mo siya kahit wala ka nang nakukuhang kapalit, mahal mo nga talaga siya.
Kung mahal mo siya dahil binibigyan ka niya ng maipagmamalaki. OK. Pero kung mahal mo pa rin siya kahit wala ka nang mukhang maiharap, at pinipili mo pa ring umuwi sa tahanang binuo niya, mahal mo nga talaga siya.
Kung mahal mo siya dahil mahal din siya ng marami. OK. Pero kung mahal mo siya kahit kahit kasuklam-suklam na ang imahe niya, at niyayakap mo pa rin ang mga sugat, pinupunasan ang luha, mahal mo nga talaga siya.
Kahit iwan pa siya ng lahat ng dating nagmamahal sa kaniya, mahal mo pa rin siya. Kahit dungisan pa siya ng mga taong nagmamalasakit daw sa kaniya, mahal mo pa rin siya.
Kahit nagkakagulo na sa loob-loob niya, at paulit-ulit silang nagtatalo kung sino ba talaga ang tunay na nagmamahal sa kaniya, mahal mo pa rin siya.
At di mo siya kayang iwan. Ililigtas mo siya. Iaahon mo siya. Ipaglalaban mo siya. Dahil tahanan mo siya. Pilipino ka. At kahit anong mangyari, mahal mo pa rin siya.
“Pilipinas”