Malapit, malayo pa din!
Categories Confessions

Malapit, malayo pa din!

Tinanong mo ako noon kung kailan nagumpisa, hindi ako sigurado sa sinagot ko sa iyo. Pero pagkatapos ng ilang taon, simula ng nagdesisyon tayo na maghintay muna, ngayon sigurado na ako. Tanda mo ba ng umupo ka sa tabi ko? Nakapikit ang mga mata ko ng oras na iyon. Hindi ko man napansin ang pagdating mo, ni hindi ko man matandaan kung kailan nagumpisa lahat pero mas hindi ko na maisip kung ano ang pakiramdam ng wala ka, ng hindi kita kilala. Iyong oras na dumikit ang braso mo sa braso ko, hindi man maintindihan ng isip ko pero alam ng puso ko ang araw na iyon ay ang araw na tumibok ito para sa iyo. Ngayon nakikita lang kita ng malapitan, mukhang malayo pero masaya ako na pinanindigan mo ang mga pangako mo. Isa, dalawa, tatlong hakbang man ang layo mo pero alam ko sa ngayon kailangan natin ito. Hindi ko muna ipipilit, dahil gusto kong pahalagahan ang sakripisyo na ginawa mo. Iyong araw na ok naman tayo, masaya naman tayo pero bilang tunay na Warrior, alam mong hindi lang iyon hanggang doon. Hindi ko sinoryoso noon ang tanong mo kung kailan ba nagumpisa lahat. Inisip ko na hindi ka siryoso na mawawala din lahat ito. Pero pinatunayan mo wala sa edad ang pagiging mature na tao, nasa pagsunod sa Salita ng Dios.

Aasahan ko na sa susunod na tatanungin mo ako, sa tamang oras at pagkakataon na mauulit ang oras na umupo kang muli sa tabi ko, sisiguraduhin kong sasagot na ako. Sa ngayon mananatili munang nakapikit ang mata ko, abot kamay man kita at ilang hakbang lang ang pagitan natin ngayon. Sa tuwing maaalala kita, magpapasalamat ako Dios, dahil may isang tulad mo ang minsang umupo sa tabi ko, wala ka mang sinabi pero katumbas nito ay pag-ibig na totoo. Hanggang sa muli, maghihintay ako!