May isang umaga nagising akong walang sigla. Malungkot – sobrang lungkot. May kulang sa pakiramdam kahit hindi naman ako nag-iisa. Naiiyak ako sa lungkot.
Ang totoo, hindi ko alam kung bakit ako malungkot. Kasi halos araw-araw, lalo na kapag wala akong ginagawa, pakiramdam ko nakakulong ako at hindi umuusad. Pero hindi ko naman alam talaga ang dahilan. Magulo.
Maraming tao ang nakapaligid sa akin. Nakikipagkwentuhan rin ako sa kanila araw-araw. Masaya naman. Mabuti naman.
Madalas nakangiti ako sa harap ng mikropono dahil ang trabaho ko’y magbigay ng aliw sa mga tagapakinig ng radyo. Mahigit isang oras akong nagsasalita at nakangiti. Pero kapag natapos na ang aking programa, malalim ang aking buntong hininga. Nakakapagod na.
Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam. Napakabigat ng aking mga paa para humakbang. Hindi yata kakayaning makalipad.
Hanggang dito na lang kaya?