Current Article:

Mensahe Para Sa Taong Nanakit Sakin

Mensahe Para Sa Taong Nanakit Sakin
Categories Move On

Mensahe Para Sa Taong Nanakit Sakin

Wag mong isumbat sakin na ako ang unang bumitaw sa ating dalawa.

 

Dahil bago kita sinukuan, ilang beses ko muna iyong pinag-isipan. Ako pa nga mismo ang naghanap ng dahilan para ipaglaban pa ang damdamin ko para sayo. Pero wala akong nahanap.

 

Tapos yun nga yung masaklap don. Ako nalang din yung nagpapaniwala sa sarili ko na kahit papaano, may halaga parin ako sayo.

 

Na baka may bahid pa ng katiting na katotohanan ang mga pangako mo at matatamis na salita.

 

Ang tanga ko dahil kahit alam kong mali tong nararamdaman ko ay pinayagan ko ang sarili kong mahulog sa iyo. Alam ko na mismo sa sarili ko na nagpapakatanga na ako. Maling-mali talaga ako nung isinugal ko ang puso.

 

Pero ayun nga. Nanatili kasing matibay ang pag-asa ko na magiging tayo, na balang araw siseryosohin mo rin ang kung anumang mayroon tayo. Dumating na nga ako sa puntong, bukal na sa kalooban ko ang posibilidad na masasaktan mo ako.

 

At hindi nga nagkamali yung maliit na boses sa utak ko. Yun nga ang ginawa mo.

 

Mula noon, nagdesisyon akong tama na. Ayoko na sa ginagawa natin. Ayoko na sa nararamdaman ko. Itigil na natin to.

 

Ipinagpapasalamat kong kahit papaano’y napasaya mo ako. Hindi ko pinagsisisihan ang paglalaan ng emosyon, oras, at pagpapasensya sayo.

 

Nagsisisi ako… kasi yun nga, kahit alam kong hindi ka karapat-dapat, binigyan parin kita ng pagkakataon na patunayan ang sarili mo.

 

Sa huli, sinayang mo rin yung pagkakataon na yun.

 

Tapos ngayon, ako pa ang masama. Ako parin ang mali. Ako ang nakasakit, dahil ako rin ang nagdesisyong wakasan ang lahat ng mayroon sa atin.

 

Sabagay, mali nga talaga ako.

 

Mali na ibinaba ko ang aking sarili para mangyari ang gusto natin. Mali na ginawa kong marupok ang sarili ko para sayo.

 

Gayunpaman, nangyari na ang nangyari.

 

Sinayang nga lang ba natin ang oras at emosyon ng isa’t isa? Sapalagay ko’y matutunan ka namang aral bukod sakin.

 

Magsilbi nawang leksyon ito upang sa susunod ay hindi na tayo masaktan sa parehong dahilan.

 

Hangad ko’y makamtan rin natin ang inaasam nating pagmamahal at kaligayahan… mula sa tamang pahanon, tamang rason, at tamang tao. Harinawa.