Maraming magagaling lang sa una. Yung akala mo totoong may pagmamahal sa’yo, ayun pala bugso lang ng damdamin. Nagpadala sa panandaliang kilig na wala naman talagang intensyon na patagalin. Mas madaling umasa sa isang tao na nagpakita sa’yo ng sobrang atensyon at akala mo hindi na mawawalay pa sa’yo. Madali lahat sa una. Masaya lahat sa una. Pero hindi mo namamalayan na may hangganan rin pala sa katagalan. Madaling magsabi na mahal ka, pero mahirap panindigan. Paikot-ikot sa mga dahilan, pabago-bago ng mga salita, paulit-ulit kang pinapaasa sa wala. Hindi mo alam kung saan ka lulugar. Sinasabing mahal ka, pero wala naman sa gawa. Magulo ang sitwasyon, pero di mo magawang bumitaw kasi mahal mo na nga talaga.
Minahal pero hindi pinaglaban. Isa sa pinakamasaklap na pwede mong maranasan. Nakakatakot isipin na lahat ng meron kayo ay pwedeng maglaho ng ganon-ganon na lang. Nangako siya na ikaw lang ang mamahalin. Nangako siya na sa panandaliang paghihiwalay niyo ay babalikan ka rin. Nangako siya na hindi magbabago anuman ang kaharapin, pero napako ang lahat at naiwan kang sawi. Madali para sa kanya ang mahalin ka, pero napakahirap na lumaban. Sa konting problema lang, konting hindi pagkakaunwaan, konting tampuhan, ang bilis niyang binawi ang lahat. Masakit na katotohanan na dapat tanggapin para makalaya ka na rin.
Mahirap ipaglaban ang isang bagay na hindi ganon kahalaga. Hindi niya lang talaga siguro nakita ang tunay mong halaga. Kaya ngayon, mahalin mo muna ang sarili mo bago ang iba. Matuto sa pagkakamaling naranasan. Pagisipan ang susunod na pagbibigyan ng pusong nahirapan. Siguro nga totoong minahal ka niya, pero mababaw lang. Ang kailangan mo ay pagmamahal na hindi ka susukuan. Pagmamahal na andyan sa anumang oras. Pagmamahal na hindi mo kailangang ipagpilitan pa.