Paalam Na
Categories Marriage

Paalam Na

PAALAM NA.

Mga salitang ayaw kong bitawan, pero kailangan.
Isang bagay na ayoko na sana ulit maranasan sa taong ayoko ng maiwan
Isang sitwasyon kung saan hindi ko alam kung meron bang hangganan.

Masakit pero kelangan kitang bitawan.
Tanging bitbit ko nalang ay ating mga kupas na larawan.
Mga matatamis mong halik ay di ko na naman matitikman
Ni ang iyong mga kamay ay hindi ko narin mahawakan.

Hanggang kailan kaya tayo ganito?
Iniisip ko palagi yung paglayo mo
Pero kahit malayo ka, lagi mong hawak ang puso ko
Nasaan ka man ngayon, lagi mong tatandaan na ikaw parin mahal ko.

Minsan nahihirapan ako sa sitwasyong to
Lalo na ngayon na may anak na tayo
Pero kahit mahirap kakayanin ko
Alang-alang sa anak ko, at sa pamilya nating nabuo.

Andito na tayo, ihahatid na kita.
Di ko namalayan na unti-unti na palang pumapatak ang mga luha saking mga mata
Tinititigan kita at ang mga bagahe mong dala
Ngayon kapiling pa kita, mamaya’y wala ka na.

Konting oras nalang at aalis ka na
Salamat nalang sa konting oras na andito ka
Masaya ako na muli ay nakasama kita
Kahit saglit ay nakita rin kitang masaya.

Habang sinusulat ko ito, di ko mapigilan ang hindi mapaluha
Sapagkat ang taong laman ng bawat linya ay bigla na namang mawawala
Di man lang ako nakabawi sa mga kabutihan mong nagawa
Tandaan mo mahal kong asawa, kelan man sayo ay hindi ako magsasawa.

Sana sa takdang panahon ikaw ay bumalik na
Maghihintay kami ng anak mo at ng Diyos Ama
Lagi kang mag-iingat ha?
Alam kong mabait ka, kaya nga sobrang mahal kita.

Lahat kakayanin para sa anak natin
Kahit pa mawala na yung salitang “Atin”
Kahit pa sa loob ng bahay, ang hirap mo ng hanapin
Idadaan ko nalang sa ngiti itong biyak na damdamin.

O siya, nakauwi na pala ako galing sa paghatid ko sayo
Nakakatawa dahil hanggang ngayon tulala parin ako
Tinitignan ko yung magandang anak mo
Sana hindi ako umabot sa panahon na tatanungin niya ako,
“Ma, asan na papa ko?”

Oras na para ipikit ang namamaga kong mga mata
Dahil alas tres na ng umaga ako’y gising pa
Pasensya na mahal, pero di ko mapigilan na isulat tong mga salita
Dahil bawat letra ay nagpapaalala sakin na ikaw ay sapat na.

Hanggang dito nalang mahal at tatapusin ko na
Hindi ang pagmamahal ko sa iyo kundi itong isinulat kong tula
Kelanman sayo ay hindi ako mawawala
Hanggang sa pagtanda natin aawitan kita
Kahit pa ugud-ugod na ako’t namamaos na

Paalam na
Mga salitang ayaw kong bitawan pero kailangan
Ano pa bang magagawa ko, andiyan ka na man
Lagi mong tatandaan, mamahalin kita hanggang sa dulo ng walang hanggan.