Current Article:

Paano Kung “Oo” ang Naging Sagot Ko?

Categories Relationships

Paano Kung “Oo” ang Naging Sagot Ko?

Siguro ilang taon na nating binabati ang bawat isa ng “Happy Anniversary!”

Siguro nakarating na tayo sa iba’t ibang lugar dahil hilig nating mamasyal sabay kakain ng masasarap na pagkain at ipopost pa yun sa ating instagram.

Siguro may hatid sundo sa akin lalo na kung ginabi na ako dahil sa overtime o may laboy ang barkada dahil may isang nasaktan na kailangang pagaanin ang pakiramdam.

Siguro marami na tayong albums ang napuno dahil puro selfie ang ating alam lalo na’t may printer naman sa bahay.

Siguro may tagabitbit na ako ng bag dahil ayaw mo akong mabigatan at mahirapan dahil sa daming dapat dalhin sa bawat lakaran.

Siguro may laging humahawak sa aking kamay at magsasabing “hindi ka nag-iisa dahil handa lagi kitang samahan.”

Siguro marami na ding iba pa ang kikiligin dahil sa love story na paulit-ulit nating ibinabahagi sa iba at magkakasamang inaalala ang nakaraan.

Siguro marami pang ibang bagay na hindi ko naisama dito dahil tayong dalawa lang ang nakakaalam.

Siguro nga. Kaya lang hindi ko naman nasagot ang salitang “oo” dahil sa simula palang… walang “tayo na ba?” na tanong mula sa’yo.

Naghintay ako ngunit siguro wala nga talagang magiging “tayo.”