Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Makalipas ang humigit kumulang siyam na buwan, sa wakas nagkasama na tayo. Iba ang tibok ng puso ko habang nakatitig ako sa ngiti mo, sa mata. Di ko maipaliwanag ang tibok ng puso ko sa bawat yakap at dampi ng labi mo. Ito na yung matagal na nating hinihintay, naudlot man noong Marso, ngayon magkasama na tayo.
Pinipili kita. Gusto kong ang mga susunod na umaga sa aking pag-gising, ikaw ang makikita. Bago tuluyang mahimbing na makatulog, nakabalot ako sa iyong bisig, tila ba isa kang tagapag tanggol na nagsasabing “ligtas ka, narito ako para sayo”.

Hindi ko itinatanggi ang mga sakripisyong ginawa ko para makasama ka. Aminado ako na sa mga oras na ito, ang tanging pangarap ko lamang, tulad ng sabi sa kanta… “kasama kang tumanda”. Di lingid sa aking kaalaman ang mga hamon na ating kakaharapin, na aking kakaharapin. Pero pinipili kita.
Nasa punto tayo ng ating mga buhay na pinag aaralan nating ang mga mamuhay ng magkasama. Nandiyan din ang hamon ng mga taong mapanghusga, mga taong di man ako kilala ay marami nang nasabi na tila ba kilala na nila ako mula ulo hanggang paa. Di ko na mabilang ang mga gabi na ako ay tumatangis. Tahimik akong nasasaktan, minsan nagdududa na ako kung kasama pa ba kita sa bagong yugto ng buhay natin na ito. Sa ngayon, kakayanin ko pa, kakayanin ko, pinipili kita.
Tulad ng mga gabing magkayakap tayong nag uusap at umaasa na malalampasan natin ang mga pagsubok na kinakaharap natin, ang tanging dasal ko ay hawak kamay tayo at magkasamang lalampasan ang mga pagsubok sa ating buhay, mga taong pilit tayong pinaghihiwalay at mga hadlang na patuloy tayong pinahihina ang loob. Sa kabila ng lahat ng ito, mahal ko wag mo sana akong sukuan, dahil itong puso ko ay sumisigaw na pinipili kita, nakakapagod man at nasasaktan, mahal ko pinipili kita.

Hinahanap hanap ko ang bawat sandal na tayo ay laging nag-uusap, nagtatawanan, nagtititigan at sasabihin na mahal natin ang isa’t isa. Namimiss ko na ang mga mensahe mo tuwing umaga, ang mga tawag mo na gumigising sakin o nagpapaalala na kumain ng tama, magpahinga, uminom ng gamot at nakabantay sa aking pagtulog. Ngayong natuldukan na ang long distance relationship, bakit tila mas napalayo ka sakin? Ang puso ko ay tila nadudurog sa lungkot, mas lalo akong nangungulila sayo. O aking mahal, ako rin ba ay buong pusong pinipili mo?
Sa dami ng dahilan na naibigay ko, isa lang naman talaga ang puno at dulo nito. Pinipili kita dahil mahal kita. Panghahawakan ko ang pag-ibig mo, ang bawat pangako mo. Sana hanggang sa huli, ako rin ang pinipili mo. Mahal ko iisa ang nais kong ipaalala, ngayon man ang isip ko ay naguguluhan, puso ay nasasaktan, sigurado akong sa bagong yugto ng buhay kong ito, tanging nais ko ay kasama ka hanggang sa huling hininga sana ay sambitin natin na mahal natin ang isa’t isa.
Wag tayong magsawang piliin ang isa’t isa. Wag tayong mapagod na magmahalan.
Pinipili kita, ipinagmamalaki kita. Mahal na mahal kita.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


 

Send me the best BW Tampal!

* indicates required