Pagbitaw
Categories Move On

Pagbitaw

Ako ay nabigla, nagalit, nang aksidenteng nalaman
Na ako ay pinagpalit mo nang walang kalaban-laban.
Ilang buwang luksa, ubos ng luha, hanggang natauhan:
Hindi kawalan ang taong hindi ako kayang ipaglaban
At lalong hindi iniiyakan ang ‘di umaamin harap-harapan.

Posibleng panahon at pananaw natin ay ‘di tumugma,
Kung ako’y nagkulang, patawarin mo sana,
Ngunit alam kong sapat ako para sa iba.
Hindi ko kailangang mag-iba tulad ng iyong akala;
Ako ay nalinawang hindi talaga tayo para sa isa’t-isa.

Kung ikaw ay lumapit dahil ako ay maganda,
At hinanap ito habang tayo’y gumulang, tumanda,
Sayang sa akin, ang panahong tayo’y nagsama
Sayang para sa’yo, hindi mo ako lubusang kinilala.
Ako’y mas malalim pa sa pustura at maamong mukha.

Salamat pa rin sa lahat ng nadama, aral na nakuha.
Ang paglago ko sa buhay ang siyang pinakamahalaga,
Pati ang panibagong pusong pinatibay mo at pinagbaga.
Ang sugat na iyong dinulot ay naging liwanag para sa iba.
Liwanag na gagabay sa taong para sa aki’y nilikha Niya.

Ngayon, pinapatawad kita, humayo na kung saan liligaya.
Ako’y magiging payapa, magtitiwala, muling maniniwala.
Ikaw ay namili na, kaya marapat lang tumayo, manindigan
Hiling kong ‘wag nang mag-iwan ng ibang pusong sugatan.
At ako di’y maninindigan sa bagong katahimikan, kalayaan.