Isa! Isa sa mga pangarap ko ang makasama ka,
ngunit mukhang hindi na mangyayari pa,
dahil ang puso mo ay pagmamay-ari na ng iba,
siya ang kasama mo habang ako’y nag-iisa.
Dalawa! Dalawang katagang hindi ko magawa-gawa,
”TAMA NA!” Tama nang mahalin pa kita,
alam ko namang wala rin akong mapapala,
sa pagmamahal na sa akin lang nagmumula.
Tatlo! Tatlong beses na akong nagmumukhang tanga,
pero nandito pa rin ako, nakakapit at nangungulila,
umaasang baka sabihin mong “baka pwede pa,”
O baka kailangan na kitang kalimutan na.
Apat! Apat na salita: “ PALALAYAIN NA TALAGA KITA,”
Ayaw ko nang makagulo sa istorya ninyong dalawa,
Nakikita ko namang masayang-masaya ka sa piling niya,
Sayang ‘di mo mararamdaman sa’kin dahil sa kanya mo lang nakikita.
Lima! Limang salita ang iiwanan ko para sayo sinta,
”PAALAM, MAHAL. KAKALIMUTAN NA TALAGA KITA,”
Panalangin ko na sana’y lagi kang maging masaya,
Kahit ang kasiyahan na iyon ay ‘di na ako kasali pa.