Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Dear Ate Girl,

Gusto ko humingi ng tawad dahil minahal ko ang boyfriend mo. Oo alam kong mali, alam ko na hindi tama. Alam ko na hindi mo ako papaniwalaan sa kahit anong eksplanasyon ko pero sana pakinggan mo ako. Nung nakilala ko siya pakiramdam ko nakilala ko na ang soul mate ko, siguro alam mo yung tinutukoy ko. Napaka swerte mo dahil siya ang boyfriend mo, inggit na inggit ako sa’yo kaya naman sa tuwing nagkakasama kami sinusulit ko yung bawat patagong oras na meron kaming dalawa, yung malayo sayo. Bawat nakaw na sandali sa sasakyan niyo, bawat haplos, bawat halik at bawat yakap sa piling niya. Lasing na lasing ako, lalo na sa mga matatamis na salitang binibitawan niya. Pero sabi nga nila, hindi pangmatagalan ang mga nakaw na sandali, ang pagkakamali. Nagulat na lang ako isang araw ng sampalin ako ng katotohanan, na bukod sa iyo, at sa akin meron pa palang tatlong iba pang babae. Nasaktan ako Ate Girl, nanloloko na nga kami tapos niloloko niya din pala ako. Akala ko naging totoo kami sa isa’t isa – Ako lang pala. Tumigil ako Ate Girl, tinangka ko din baguhin ang nakasanayan na niya pero sa umpisa lang siya nagbago paglipas ng isang buwan bumalik siya sa pambababae niya. Naiwan akong hindi ko alam kung paano bubuuin ang pira pirasong nabasag na tiwala at pagmamahal na buong puso kong ibinigay sa kanya. Patawarin mo ako dahil alam ko hindi magiging madali sa’yo kapag nalaman mo na lahat ng kalokohan ng boyfriend mo. Patawarin mo ako dahil parte ako ng panloloko niya sa’yo. Aaminin ko lagi akong naiinggit sa iyo nuon dahil ikaw ang inuuwian niya. Pero sa natuklasan ko sa kanya humanga ako sa iyo dahil hindi madali pero nariyan ka pa rin para sa kanya. Ipaglaban mo Ate Girl ang pitong taon na relasyon niyo. Wag kang susuko pero kapag hindi mo na kaya, pakiusap mahalin mo din ang sarili mo hindi lang puro siya. Dahil hanggang ngayon, niloloko ka pa rin niya. Mahirap tanggapin sa una, maawa ka sa sarili mo, magagalit ka sa kanya at sa mga babae, gugustuhin mong maghiganti sa kanya pero wag mong kalimutan magpatawad Ate Girl, hindi para sa kanya kundi para sa’yo, para sa puso mo. Huwag mong hayaan na kainin ng galit, at paghihiganti ang puso mo. Mahirap Ate Girl pero kung kailangan mo ng makakausap, magdasal ka lang. Dasal ang kinapitan ko nung mga panahon na wasak na wasak ako kung kailangan mo ng makakausap andito lang ako dahil alam na alam ko ang pagdadaanan mo. Patawarin mo ako Ate Girl, Patawarin mo ako dahil minahal ko ang boyfriend mo. Patawarin mo ako dahil niloko kita, niloko ka namin. Karma is a bitch at digital kaya nakarma agad ako, ang bilis nagboomerang pabalik sa akin ang panloloko niya at ramdam na ramdam ko ang sakit. Hanggang dito na lang. Patawad.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required