Aking Mahal,
Hindi kita inibig sa umpisa para iwanan makalawa. Mali ka, kung iniisip mong hinawakan ko ng mahigpit ang iyong kamay para lamang ito bitawan, nagkakamali ka. Hindi tayo pinagtagpo para lamang magkalayo. Walang umagang hindi ninais na ikaw ang unang makita pagdilat ng aking mata. Sapagkat hanggang ngayon, ramdam ko parin ang iyong mga yakap. Ang iyong mga halik. Halik na pumupukaw sa aking araw at sa pusong ikaw lang ang sinisigaw. Hindi tayo inaabot ng umaga sa pagpapalitan ng kwento, para lamang magtanong ka sa pagsikat ng araw kung ano ba tayo. Tayo na pinag-isa. Tayo na biglang umusbong at tayo na bigla din nawala. Mali ka. Mali ka ng sinabi mong makakalimutan din kita. Na sa paglipas ng panahon ay mabubura ka din sa aking ala-ala. Mali ka ng sinabi mong makakahanap din ako ng iba. Nang mas higit sayo. Nang mas karapat-dapat sa pagmamahal ko. Nagkakamali ka dahil hanggang ngayon, ikaw parin ang hinahanap ng puso ko sa paglipas ng taon. Patawad, dahil paulit-ulit kong sasabihin sayo ikaw lamang ang nais kong makasama. Nagkamali ako ng sinabi kong hindi na ako iiyak. Hindi ako sigurado, hindi rin tiyak. Hindi ako magpapakalunod, pero hindi rin alam kung ako’y makakaahon. Magpakalayo man ako, sayo parin tatakbo. Ikaw, ikaw lamang ang tiyak, ikaw at ikaw lamang ang aking tatawaging tahanan. Patawad, dahil sinulat ko to para sabihin sayong ikaw parin ang dahilan at wala ng ibang paraan para malaman mo ang aking nararamdaman. Pinangako ko sa Maykapal na ikaw lamang ang iibigin magpakailanman. Pero dahil ngayong wala ka na at hindi ko na maibabalik ang nakaraan. Handa na ulit ako, ito ay para sa aking pusong handa na muling hindi magmahal.