Mahal ko,
Alam kong maaga pa para sulatan ka pero ihahayag ko sayo ang damdamin ko sa araw na ito.
Gusto ko lang malaman mo na sa pagdating mo, baka hindi na ako madaling mahalin. Maagang nagpakilala ang buhay sa akin at marami na akong inilaban para maka-abot sa oras na ito. Pero maipagyayabang ko naman na marami rami na rin akong ipinanalo kasama ang Diyos. Kung ikukwento ko ba sa’yo ang mga nangyari, makikinig ka ba? Magiging intresado kaba? Magugustuhan mo pa ba ang isang tulad kong ang puso’y hinabi ng maraming lungkot, maraming talo, maraming pagkukulang? Hihintayin ko ang magiging sagot mo sa pag dating mo.
Isa ako sa mga taong umasa sa mga pangako ng mga taong para bang may sira ang tuktok. Mga taong naging masaya kasama ako, mga taong natuwa sa mga pagtatawa ko. Pero hanggang doon lang. Siguro sira din ang ulo ko nang maniwala sa mga pangakong, “Balang araw, hindi kana uuwi nang magisa.” O kaya sa mga katagang “Hindi kana kakain nang mag-isa.” Ngayon, gusto ko pang madukutan at mabulunan kesa makarinig nang mga ganon. Hindi naman sa pagiging bato ngunit isang matinding pag iingat ang ginagawa ko sa ngayon sa pangambang hindi ako makaabot sa’yo.
Pero ang liham na ito ay isinulat ko hindi para balaan ka kung ano at kung gaano kasakit ang nakaraan pero para malaman mo na natuto ako. Natuto akong protektahan ang puso ko dahil minsan nang hindi na napagkatiwalaan ang mga katuwiran ko. Sa lahat nang ipinakong pangako ng mga ungas na dumaan sa buhay ko, natuto ako. Natuto akong namnamin ang pagkain mag isa at nang sa pag dating mo’y maramdaman mo kung gaano ako kasayang kakain ng kasama ka, Pagka’t Mahal ko, ngiti mo palang ako’y busog na. Hindi ko man maipangakong hindi ko maipararanas sayo ang lungkot na naranasan ko, maipapangako ka namang hihilingin ko sa Panginoon ang kalakasan para sa iyo. Kalakasan na harapin ang bawat bukas na kasama ako. Malaman mo sanang ipinanalangin kong ika’y nasa mabuting kalagayan. Nawa’y parati kang masaya. Pinasasaya ng Diyos na nagbibigay buhay sa mga pangarap kong makasama ka.
At sa aking pag uwi, hindi man kita kasabay. Ikaw sana ang aking madatnan.
Nagmamahal,
Ang iyong Bukas.