Malayo ang tingin
Isa-isang binabalikan ang mga ala ala nating dalawa
Ang bawat ngiti, kislap ng iyong mga mata
Ang bawat saya na nadarama sa tuwing kapiling ka
At kung paano kumakalma ang isip maging ang puso
Sa oras na ang mga kamay mo’y hawak ko na.
Kaysarap alalahanin ang lahat
Mula sa kung paano mo sinubukang lumapit
Hanggang sa kung paano ka nagtagumpay
Na maging bahagi ng buhay kong akala ko noo’y sarado na
Ibinalik mo ang pag-asang posible pa pala
Na muling gumuhit ang kurba sa mga labi kong tinalikuran na ang saya
Maging ang puso’y tinuruan ding pumintig muli
Na tila ba tumatalon pa nga sa tuwa
Hindi na mapigilan
Sa tingin ko nga
Para bang ang buong mundo’y naging kakampi ko bigla
Ngunit sa paglipas ng mga araw ay ang mabilis din na paglisan mo
Hindi namalayan na ang lahat pala ay bahagi lamang ng pakikipaglaro sa akin ng mundo
Laro,
Kung saan palagi akong talo
Kaya heto na ulit
Ang mga pansamantalang ngiti ay unti-unting binabalot ng pighati
Niyayakap na rin ng kalungkutan maging ang konting sayang aking itinabi
At ang pag-asang nadama ng puso
Sa akin ay muli ng binabawi
Pakiramdam ko tuloy, buong pagkatao ko’y ninakaw na sakin ng mundo
Paano nga ba babangon muli?
Paano makakatayo muli?
Paano ko mababawi ang sarili?
Paano?
Kung sa tuwing pinagmamasdan ko ang paglubog ng araw sa kanluran ay baon ko pa rin ang mga ala alang iniwan mo?
Umaasang sa pagsikat nito bukas ay manunumbalik ang kinang sa ating mga puso
At muli mong hahawakan ang mga kamay ko na kahapon lamang ay binitiwan mo
Ilang paglubog at pagsikat pa kaya ng araw ang hihintayin ko?