Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Kay tagal kong naghintay habang sa langit ay nakatingin, hanggang ang ulap ay maging itim at ako’y mabalutan ng lilim. Lumalabo na ang paningin at tila lahat ay dumidilim. Kailan nga ba darating ang inilaan para sa akin? Lumingon ako sa kanan at sa kaliwa, lahat sila ay masaya’t puno ng galak sa mga mukha. Mga ngiting hindi mo maitatanggi na sa puso ay nagmumula. Madalas tuloy na aking tanong, kailan kaya’ng ako naman ang gano’n? Matagal pa ba ang kailangan kong hintaying panahon?

Ngunit isang umaga na ang araw ay kay liwanag, isang umaga na ang langit at maaaninag, ikaw ay dumating at nagbigay ng sinag. Sa hindi inaasahang pagkakataon ikaw ay dumating. Sa hindi inaasahang panahon sa’yo ay nabaling. Ang puting tela ay nilagyan mo ng pintura. Mga kulay ay sumisigaw at kay saya. Unti-unti ay hinayaan kong ikaw ay makapasok. Pintuan ko’y binuksan at inalis ang takot. Naniwala ako sa’yo dahil alam ko, alam ko na ikaw ang taong hinihiling ko.

Nagbunga na ang dasal na gabi-gabing sinasambit. Ang malungkot na himig ay naging masayang awit. Kubo lang ang hiniling ngunt bahay ang dumating. Higit pa sa aking hiling ang ibinigay Niya sa akin. Ikaw ang sagot sa mga dasal ng puso kong naliligaw. Kaya naman ngayon tila nais kong sumayaw. Sumayaw sa himig ng pag-ibig na ang awitin ay ikaw. Pinaramdam mo sa akin na ganito pala ang magmahal. Handa kang gawin ang lahat magmukha ka mang hangal.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Ang higpit at init ng yakap mo, pinapawi ang isang linggong pagod ko. Ang iyong kamay sa kamay ko at kumakalma na itong puso.  Ang iyong halik na kay tamis, nagpapasaya sa akin ng labis. Ang aking ngiti ay hindi maalis, dahil giliw ko ikaw lang ang nais. Kahit ulit-ulitin mo, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko. Sa unang pagkakataon may ginawa akong tama sa buhay ko. Sa wakas ay hindi na nagkamali sa desiyson ko. Salamat dahil sa dami ng taong nandito, ako ang pinili mo.

Hindi ko na kailangan ng tropeyo ‘pagkat alam kong ako na ang panalo. Isang kagaya mo ba naman ang makuha ko, ano pa ba ang hihilingin ko? Sa tulang ito na ikaw ang paksa, tila hindi matatapos ‘pagkat ikaw ang simula. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na ikaw sa akin ay napana. Totoo ngang ikaw ay pinagpapala kapag lagi mong ginagawa kung ano ang tama. Naghintay man ako ng matagal, sulit naman ‘pagkat ikaw ang ibinigay.

Sa pagdating mo itim ay naging puti, ngiti ay gumuhit na muli. Tumayo ka man sa gitna ng maraming tao, ikaw pa rin ay makikilala ko. Kahit saan pa magtungo, sa’yo pa rin babalik itong puso. Kahit na anong bundok ay aakyatin ko, isisigaw kung gaano’ng nagpapasalamat ako. Nakikita ko ang kinabukasan ko sa mga mata mo, na alam kong hindi ko matatagpuan sa kahit na sino bukod sa’yo. Sa’yo ako na ay sigurado. Tila malaking laban dahil wala nang atrasan ‘to.

Hindi na ‘ko makapaghintay na lubusan kang makilala. Kung sabagay tayo’y nasa unang pahina pa lang naman. May habang buhay pa upang ang mga blangkong pahina ay mapunan. Ikaw at ako ang magsusulat, hawak ko ang kamay mo at tayo’y maglalakbay. Puso ko’y wala nang mapaglagyan ng saya. Milyon beses kong sasabihin na mahal kita at lahat ng ‘yon ay totoo sinta. Ang buhay ko ay kumpleto na dahil sa wakas ay dumating ka na.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required