Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Paano ko ba to sisimulan? Paano ba ako gagalaw? Paano ba ako napunta dito at bakit ba ikaw? Tila ba napapadalas ang iyong pag dalaw sa aking isip kahit malalim na ang gabi. Tigilan mo na ang kakatakbo at mag usap tayo dito sa tabi. Sasabihin ko sayo kung gaano kalamig ang mga sandali.

Ano ba ang kailangan mo?

Pinagtagpo na naman tayo ng tadhana sa panahong hindi natin makasundo. Sa taas ng pag tingin ko sayo, ako ay napabitaw. Nahulog ako kasama ng mga bulong kong sumisigaw. Na ikaw, ikaw ang dahilan nito.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Pero bakit ganito?

Hindi magka tunog ang tibok ng ating mga puso. Ang pagtingin mo ay malayo at ang pagkakataon ay lumalabo. Magkasalungat ang ating oras at pilit kang nagtatago. Siguro alam ko na ang dahilan. Siguro may ibang dahilan.

Pero hindi ako susuko.

Bibilisan ko ang pag huhukay. Ibubuhos ko ang lahat ng lakas kong tinataglay. Palalalimin ko ang mga salita hanggang sa ika’y mahulog. Hanggang makapasok ako sa isip mo at hindi ka na makatulog. Hanggang makuha ko ang puso mo at mabalutan para wala ng makapasok. Hanggang ipagtabuyan mo ako sa sobra kong pag pupumilit.

Na makuha ka

Kahit sa simula palang alam kong talo na. Ano ba ang laban ko sa isang bihasa. Sa isang tao na hindi mo makalimutan nang sya ay mangamusta. Ano bang laban ko sa mas maraming pamusta.

Ah basta!

Itataya ko parin ang lahat para lang manalo sa malaking sugalan na ito. Ipaparamdam ko ang hindi ko maipaliwanag na nararamdaman ko para sayo. Ipapaalala ko sayo ang mga araw na wala kang malapitan kun’di ako. Hanggang makalimutan mo ako.

Mas mabuti na ‘yun.

Alam kong maipapakita ko ang aking pag tingin na totoo. Hindi naman ako basta matatalo. Dahil tataya ako hanggang dulo. Hanggang maubos ang nararamdaman. Hanggang sa mawalan ako ng gana.

Kahit na matalo.

Sa sugal na mas lamang talaga ang talo. Hindi naman ako basta basta susuko. Kahit na matalo, sigurado naman ang panalo ko sa bawat ngiti mo.

Kahit hindi na ako ang dahilan.

Basta magiging masaya ako sa pagkapanalo mo maging ako man ang talunan. Kung pagsugal lang ang nag iisang paraan para magkaro’n pa ng pag asa. Bakit ako manghihinayang pumusta. Para sa ninanais kong makuha, Itataya ko kahit ang ginintuang oras pa.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required