Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
Suko na ako.
Ako na hindi masaya.
Ako na walang silbi.
Ako na walang alam.
Ako na mapagkunwari.
Ako na matigas ang ulo.
Ako na sinungaling.
Ako na mayabang.
Ako na pagkakamali.
Ako na makasalanan.
Ako na kung anong maisip mong ako.
Suko na ako.
Sa aking mga pagkukunwari. Sa aking mga oras na masaya ngunit hindi pala.
Sa aking mga tinatagong sama ng loob sa iba. Sa aking mga nakakadenang inis sa kanila.
Sa aking mga paghihinagpis sa hindi pantay na pagtrato. Sa aking mga iyak na may galit at lungkot na magkahalo.
Suko na ako.
Sa aking mababang tingin sa aking sarili. Sa inggit na aking nararamdaman pag ang iba’y mas magaling kaysa sa akin.
Sa aking kamangmangan. Sa aking paggawa ng kapalaluan kahit na alam kong ito’y hindi tama.
Hindi talaga ako natuto. Hindi talaga ito pumasok sa kaibuturan ng aking puso.
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:
Suko na ako.
Sa aking pagkukunwaring ayos lang ako. Sa aking ngiting nakangiwi ngunit patagong nasasaktan palagi.
Sa pagnanais na maging katanggap-tanggap sa iba. Kaya aking pinamamalita ang sa aki’y lahat ng tama.
Suko na ako.
Sa patagong pagkukutsa sa aking sarili. Sa patagong pagbababa ko sa aking sinulat na sipi.
Sa paulit-ulit na pagkakamali. Sa hindi matigil na pagkulong ko sa aking sarili.
Doon, sa kulungan ng kasalanan ako nasasadlak. Oo, doon nga. Pilit kong binabago ang aking sarili. Pilit kong ginagawa ang alam kong tama para sa akin.
Ngunit sa pagdaan ng isang araw o dalawa, naroon ulit ako sa kulungan.
Sa kulungang ayaw ko nang puntahan. Sa kulungang puro hirap ang aking dinaranas. Sa kulungang mag-isa kong nakakulong. Sa kulungang wala akong kasama at katoto. Sa kulungang kapantay ng kamatayan! Suko na ako!
Sinusuko ko na ang buhay ko sa Iyo.
Ang buhay kong walang pag-asa, sa iyo ko inaasa.
Ang buhay kong walang nang halaga, sa iyo ko inaalay.
Ang buhay kong puro sa kasalanan namuhay, sa iyo ko ibinibigay.
Wala akong ibang maiaalay kundi itong aking buhay.
Tanggapin mo ito, oh Diyos ko!
Ang buhay kong ito’y sinusuko sa iyo!
Gusto kong maging katulad mo.
Gusto kong maging masaya.
Gusto kong makita ang aking halaga.
Gusto kong matutunan ang iyong mga salita.
Gusto kong sa iyong katotohana’y maging makata.
Gusto kong maging mapagkumbaba.
Gusto kong maging halimbawa.
Gusto kong maging tunay na malaya.
Gusto kong maging puro’t dalisay sa iyong mga mata.
Gusto kong maibalik ang kagalakan ng aking kaligtasan.
Gusto kong maibalik ang tamang tingin sa aking katauhan.
Gusto kong maibalik ang puso ko sa iyong mga kautusan.
Gusto kong maibalik ako sa iyong presenya.
Narito ulit ako sa iyong paanan. Oh aking Panginoon, suko na ako!
Sa aking pag-aalay ng aking sarili, hindi ko alam kung ako ba’y iyong matatanggap. Nag babaka sakaling ako sa iyong paglingap.
Ako’y naghihinagpis. Ako’y umiiyak nang may pait. Ako pa ba’y iyong mapapansin?
Ngunit sa aking tuhod nahanap kita. Sa aking pag-iyak natagpuan kita. Naramdaman ko ang iyong pagsinta! Nahanap ko ang buhay at pag-asa!
Nahanap ko ang pag-ibig na hindi mapapantayan ng iba!
Nahanap ko ang pag-ibig na nagsasabing “tapos na!”
Tapos na ang paghihinapis. Tapos na ang paghihirap. Tapos na ang pagkakulong. Tapos na ang mga araw ng kalungkutan! Pinasan niya ang bigat ng aking kasalanan!
Ang aking pagsuko ay nagdulot ng bagong buhay.
Ang aking pagsuko ay nagdulot ng pagbabago.
Ang aking pagsuko ay nagdulot ng dahilan para lumaban.
Ang aking pagsuko ay nagdulot ng bagong “ako” na magbabago din ng mundo.
Ang “ako” noon ay hindi na “ako” ngayon.
Maaaring sa pagkakataong ito, ang “ako” ay katulad “mo.” Ang mga katangian “ko” ay parang ring “ikaw.” Sumuko ka na, isuko mo na ang “ikaw” at simulan ang buhay na “Siya” ang sentro. Ibulong mo sa “Kanya” sa oras na ito ang tatlong salitang ito: “Suko na Ako.”