HAPPY FATHER’S DAY
“Superhuman? Superman? (The Gregorian Supremacy)”
Wala akong magagandang bagay na maalala tungkol sa’yo
Kasi lahat nang ‘yun puro kapuri-puri
‘Di ata bagay ang salitang maganda lang sa tulad mo
Naghanap ako ng mga salitang susubra pa ‘dun
Pero mukhang mahihirapan ako
Nakailang balikwas na ako sa “Google”
Mali-mali naman ang translation
Hmmm, pa’nu kaya kita ide-describe?
Sige, ganito na lang
Sa alam kung paraan at kung saan ako magaling…
…Heto na yun…
Isang beses na tulog ka, pumasok ako sa kwarto mo
Bagong gawa ang bahay natin sa mga panahong ‘yun
Nakakumot ka at bahagyang nakalabas ang kanang kamay
Ang daming ugat
Kasing-dami siguro ‘yun ng paggising mo nang madaling araw para magtrabaho
Kasing-dami ng gabi na late ka na umuuwi dahil kailangan mong kumayod para sa amin
Kasing-dami ng pawis na pinunasan mo para may pangkain tayo
Kasing-dami ng pagod na tiniis mo para may ulam at kanin tayo sa araw-araw…
Habang hawak ko ay ballpen sa school
Hawak mo naman ay lubid nang kalabaw
Habang hawak namin ay pera pambili ng makakain sa recess
Hawak mo naman ay araro para may pera kaming pambili kinabukasan
Habang nag-eenjoy kaming mabasa ng ulan
Todo-balot ka naman ng plastic sa katawan dahil bawal ka magkasakit
Sa’yo lang kasi kami umaasa para makakain at makapag-aral
Kaya bawal ang lahat ng pwede sa iba
Bawal talaga…
Lumaki ako sa tubuhan na kasama ka
Naranasan ko ang mainitan, maulanan, matulog sa tubuhan
Gabihin, umagahin, magutom at mabalian minsan ng tadyang
Lumaki ako kasabay nang paglaki ng mga tubo
Closed season, milling season, gapasan at taniman
Ilang kalabaw na rin ang nakasama natin sa maraming taon
Naawa pa nga ako sa’yo ‘nung iniyakan mo ang isa sa kanila
‘Ganun talaga siguro, kung may aalis, may darating na panibagong kalabaw (Hugot John Lloyd)
As a witnessed sa kasipagan mo, di ko na namalayan na tumanda ka na pala
Maugat na at maputi na ang buhok…
Habang dahan-dahan akong lumabas ng kwarto mo
Binulungan kita ‘nun, pero di ko alam kong narinig mo
Sabagay, ikaw na yata ang taong nakilala ko na napaka-sensitive sa ingay
Balak nga naming epa-noise-proof ‘yung kwarto mo para ‘di ka maabala
Ang laki na nang pinagbago mo
Ang laki na nang pinagbago ko
Ang layo na nang naabot ko, naabot namin
Dahil ‘yun sa mga ugat sa mga kamay mo
Sa mga ugat sa noo mo
Sa lahat nang ugat na nakagataw sa buong katawan mo
Sigurado ako dun…
Bago ko tuluyang tapusin ang pagmamasid ko sa mukha mo
Inayos ko nang kaunti ang kumot mo at lumabas na
Sa panahong ‘yun, parang ‘yun pa lang ang magagawa kong mabuti para sa’yo
Na ‘di ka ginawin at kagatin nang lamok
Alam ko kasing pagod ka at bumabawi ka nang lakas pang-kinabukasan
Ang dami na nating pinagsamahan
Kasing dami nang nahakot nating tubo para lang magka-asukal ang buong Pilipinas
Para naman may pampatamis sila sa mga kape nila sa umaga
Para naman may pang-ulam tayo sa buong araw…
Ayaw ko mang aminin, pero namana ko ang mga ugat sa kamay mo
Siguro, paalala ‘to sa akin kung gaano kahirap mabuhay
Pero natutuwa ako pag nakita ko ang mga ugat na’to
Naalala kasi kita, ‘yung inis sa mukha mo pag naiistorbo ka dahil sa ingay namin
Don’t worry, lumalaban ako sa buhay para sa’yo
Ayaw kitang biguin, ayaw kong maging failure sa paningin mo
Hangga’t ‘di napupuno ng ugat ‘tong kamay ko
Hangga’t naaalala ko ang araro, tubo, kalabaw at paborito mong bonnet pang natutulog ka
‘Di ako magsasawa na alalahanin ang lahat ng kapaguran mo
Lahat ng pawis na tumulo mula dyan sa noo mo
Gusto mo bang malaman kung anu ang ibinulong ko sa’yo?
“Happy Father’s Day”, ‘yun
Sinamahan ko na nang “I Love You”…
Park En Stack Er…