Totoo Naman
Categories Single

Totoo Naman

Sabi nila, sa isang punto ng buhay natin, mayroong darating na makakapagpabago ng lahat ng bagay sa buhay natin. Yung tipong counter clockwise yung pag-ikot ng mundo natin pero gagawin niyang clockwise. Kung dati-rati ang laman lang ng inbox natin ay mga text ng parents natin, NDRRMC (o kadalasan naman ay wala), ngayon mga text na ng parents, NDRRMC at niya. Isa lang yung nadagdag pero parang ang dami na nating ka-text–sapat na sa atin kahit siya lang ang kausap. Kung dati-rati sanay tayo matulog ng maaga kasi wala naman tayong ka-late night talk, ngayon ilang gabi na tayong nawawalan ng tulog dahil mas gugustuhin na nating mangarap ng gising kasi kausap natin yung taong yun. Kung dati-rati kinikilig tayo sa mga love story na napapanood, napapakinggan o nababasa lang natin, ngayon mas kinikilig na tayo sa mga ginagawa, pinapakita at sinasabi niya. Kung dati-rati, sanay naman na tayo mag-isa, ngayon tila hinahanap na natin yung isang tao na makakapagparamdam sa atin na hindi tayo nag-iisa, na there is someone who truly, sincerely cares.

Sabi nila hindi naman talaga tayo nag-iisa sa buhay at may nagmamahal sa atin. Ang ibig ko lang sabihin ay yung taong para sa atin. Sabi nila darating din yun. Kailan? Sa tamang panahon? Kailan ba yung tamang panahon? Paano ba natin masasabi kung tama na ang panahon? Kapag lipas na ang panahon? Kapag dumaan na at tsaka palang natin ma-re-realize na yun na pala ang tamang panahon? Sabi nila, malalaman at mararamdaman natin yun. Paano kung akala natin tama na ang panahon pero hindi pa pala? Paano kung akala natin siya na pero hindi pa pala? Paano kung nag-invest na tayo ng sarili natin sa isang tao, yung sure na sure na tayo na siya na nga, pero sa bandang huli iiwan at sasaktan lang naman pala tayo?

Oo, may mga taong darating sa buhay natin na aakalain natin na siya na yung para sa atin. Umaasa tayo na sana siya na nga. Pero hindi naman lahat ng taong dumarating ay nag-i-stay. Minsan yung taong nakapagpabago ng buhay natin aalis. Kaya ang epekto, babalik tayo sa dating cycle. Mapapaisip na lang tayo na sana hindi na lang siya dumating kung aalis din naman siya… sana hindi na lang natin siya nakilala… sana hindi natin hinayaan ang sarili natin na mahulog… sana hindi natin siya hinayaang makapasok sa puso natin… sana noong kumakatok pa lang siya ay hindi na natin siya pinagbuksan, de sana hindi tayo nasasaktan ngayon. Ang mangyayari babalik tayo sa dating gawi natin. Tapos mararamdaman natin yung kulang, yung kalungkutan. Yun din ang mahirap kapag na-attach tayo sa isang tao–gigisingin niya yung puso natin, ilalabas niya tayo sa comfort zone natin, bibigyan niya ng liwanag, ng kulay, ng meaning ang mga bagay-bagay, yung tipong parang lumilipad tayo, tapos bigla niya na lang tayong bibitawan–mahirap bumalik sa dati nating mga sarili kapag nawala siya kasi nasanay tayo na lagi siyang nandiyan.

Ang hirap magtiwala at magbukas ng pintuan ng puso kahit na gusto nating magpapasok kasi mas mahirap buoin uli yung nasirang barrier natin pagkatapos itong magiba at iwanan. Pero sabi nila parte ito ng buhay at ng pagmamahal. Yung kada downfall mo ay chance na i-rebuild ang defense mo but this time make it stronger. Hindi sa lahat ng oras masaya tayo. Hindi sa lahat ng oras nandiyan siya sa tabi natin. Hindi sa lahat ng oras natutupad ang mga gusto natin. At ang pinakamasakit, hindi sa lahat ng oras nananatili ang nararamdaman natin.

Sa huli ang gusto lang naman natin ay hindi na bago kundi totoo naman. Ayaw na natin ng panibagong dahilan kung bakit tayo aasa. Sawa na tayo sa paulit-ulit na panibagong dahilan kung bakit tayo nagmamahal sa una at nasasaktan sa huli. Ang gusto natin–sa totoo lang ang hinahanap natin–ay yung totoong dahilan kung bakit tayo aasang muli, iibig uli at maniniwala uli na mayroong darating na tao na totoong makakapagpabago sa buhay natin.