Gusto kitang gawan ng kanta
Kantang ikaw ang tema
At tanging ikaw ang laman ng bawat linya
Kantang paaalalahanan ka
Na sa akin presensya mo’y sobrang mahalaga
‘Yung kantang pakikinggan mo ‘pag malungkot ka
Dahil ayaw ko na nalulumbay ka
Gusto kitang pahiramin ng jacket ‘pag nilalamig ka
Jacket na yayakapin ka
Kapag ang mundo mo’y nanlalamig na
Jacket na babalot sa’yo para iyong madama
Ang init ng pagmamahal ko, aking sinta
‘Yung jacket na susuutin mo ‘pag ginaw na ginaw ka na
Dahil gusto ko na komportable ka
Gusto kitang gawan ng bangka
Bangkang magtatawid sa’yo sa lawa ng problema
At maglalayo sa’yo sa dagat ng trahedya
Bangkang magtatanggol sa’yo sa
Mga alon na iyong makakasagupa
‘Yung bangkang sasakyan mo ‘pag pagod ka na
Dahil ayaw kong nagdurusa ka
Gusto kitang ipagtimpla ng kape sa umaga
Kapeng tama lang ang timpla at ma-aroma
At tiyak na gigising sa antok mo pang diwa
Kapeng makapagbibigay sigla
Sa matamlay mong mga mata
‘Yung kapeng iinumin mo sa malamig na umaga
Dahil gusto kong madama mo ang aking pag-aaruga
Kasi kung ‘di mo naitatanong, aking sinta
Sa bawat sandali na nahihirapan ka
Puso ko ay nagdurusa
Na para bang may pising nag-uugnay sa
Puso’t kaluluwa nating dalawa
At ako ang magsisilbing ligaya mo sa dulo ng bawat problema,
Ang kasangga mo ‘pag ang mundo’y tinalikuran ka,
Ang lakas mo sa mga panahong mahina ka,
Ang metapora sa likod ng jacket, kanta, kape at bangka
Dahil, Mahal, gusto kong karamay mo ako sa’n ka man mapunta,
Sa hirap man o ginhawa,
Luha o tawa,
‘Pag ang itim ay puti na
Hanggang sa tayo’y malagutan ng hininga