Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
‘Bula’
Hindi ko mawari, puso’y di mapakali;
Isa ba, dalawa o tatlong araw na?
Ilang araw na nga ba ang lumipas,
Simula nung umiwas ka?
San ka nga ba nag punta? Teka sandali,
Hindi ko maintindihan, biglang nagkalabuan;
Aking kaibigan, akala ko ba’y ikaw ay palagi
lamang nandiyan?
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:
Iilan na lamang ba ang natitirang oras, lahat ng bagay ultimo ang bukas lumilipas, mga dahon sa mga puno ay unti unting nalalagas;
Ngunit ito, susubukan kong ihinto.
Pakinggan mo, sinubukan kong ihinto ang oras at bumalik sa umpisa kung saan tayo’y unang nagtagpo;
Kaarawan ko, sinamahan mo ako, nagsaya tayo at kumanta ng kung ano ano.
Marahil ay ang oras mismo ay pinilit kong binago;
Pero ito, hanggang sa maalala ko, umabot na tayo dito, sa panahon kung saan sa kalagitnaan ng unti unting nabubuo ang samahang ito, biglang mawawala ka na lamang sa tabi ko.
Hindi ko alam kung saan, at kung kailangan pa bang wakasan ang isang pahinang minsan ko nang binalikan; lahat ng alaala ay mananatili na lamang mga alaala. Pati narin ang lahat ng akala, at baka, mananatili na lamang isang istoryang hanggang isang pahina;
Siguro nga ito’y wakas na, naging saksi ang lahat ng bituin sa lahat ng tawa, iyak, at kung ano man ang mayroon sa atin; ngunit bakit parang bitin?
Parang may isang maliit na pag-asang nananatili sa akin, na nagsasabing baka sakaling ikaw ay maging akin pero hindi, hinding hindi kita dapat angkinin;
Alam kong hindi ka para sa akin, ayokong kalabanin ang taong pinag-aksayahan mo ng mga luha mo at pagmamahal mo, ang taong hanggang ngayon ay minamahal mo, at mananatili sa’yo kahit ano pang gawin ko, siya at siya parin ang laman ng puso mo;
Kaya’t patawad, masyado akong nag bakasali, na kung sakali mang makalimutan mo siya, at bitawan mo siya, ay baka maging akin ka; Patawad.
Hindi ko sinasadya, hindi ko sinasadyang mahulog sa isang taong hindi pa handa;
Hindi ko sinasadyang ramdamin ang lahat ng yakap at salitang binitawan mo sa akin; Aaminin ko, hanggang ngayon, marupok ako. Hindi ko kayang pigilan ito, kusang nahuhulog sa bawat ngiti at tawa mo;
Hindi ko inaasahan na tulungan mo ako, at sagipin ako sa ereng ito, pero sa tingin ko, unti unti, nahuhulog na ako; Alam ko, ang puso ko, nangangailangan na ng mekaniko; sapagkat nangangalawang na ito.
Masyado ko nang nagamit sa bawat taong natutulungan ko; hinay hinay lamang ang sabi ko, ngunit ito, kahit sira sira na at nangangalawang na, gumagana pa rin pala ito.
Ayoko na, ayoko nang paganahin ito; napapagod na ako, tingin ko’y kapag ginamit ko nanaman ito, tuluyan nang masisira ito;
Kaya’t kung magpatuloy man na magulo ang isip mo,
At tuluyan nang kalimutan ako, hihinto ako.
Hihinto na akong maghintay, sa bawat pag-asang iniisip ko; hihinto na ako sa kakaisip kung kamusta ka o kung naiisip mo ba ako; hihinto ako, sa bawat tibok ng puso ko para sayo, ihihinto ko.
Gaya ng paghinto ng oras habang kasama mo ako, ihihinto ko ang nararamdaman ko; hindi lamang para sa akin, kundi para rin sa’yo. Alam kong masyado pang maaga, at mahirap pa ito para sayo kaya’t wag kang mag-alala, ihihinto ko;
Hindi mo na kailangang malaman pa, alam kong naglaho ka na, kahit nangako ka na mananatili ka; ito at umalis ka, kagaya nila, naging bula ka. Ayoko nang maghintay o mag-isip pa na babalik ka, dahil kagaya nila, parte ka lamang ng aking isang pahina, kaya’t salamat at kahit saglit ay naramdaman kong nandyan ka; ginising mo ang puso kong natutulog na, at binigyan mo ng sigla, kaya salamat.
Binigyan mo ako ng walang hanggan, sa mga araw na bilang lamang, kaya’t ito, paalam na at hanggang dito na lamang, aking “Ursa”.