Dahil sayo nalaman kong ang pagmamahal ay di nasusukat sa tamis ng mga salita, sa gawang pwede madaya, sa saya o sa palagiang pagsasama. Nalaman kong nasusukat ito sa mga luhang ating nilalabas para sa ating kapareha dahil sa takot tayong mawala sila.

Dahil sayo napagtanto kong masamang maghangad ng perpektong pagmamahal kanino man o kahit sa sarili pa natin yan. Natutunan ko na laging may pagkukulang o kakulangan ang sino mang nagmamahal. Ang kailangan nalang natin alamin ay kung kaninong pagkukulang ang handa nating tanggapin at intindihin, dahil kung may ipapangako man ako sayo ngayon hindi ito yung panghabang buhay na pagmamahal dahil alam kong darating tayo sa oras ng tampuhan
Darating ang araw at oras na hindi tayo magkakaintindihan
Darating ang araw at oras na mapapagod tayo
Darating ang araw at oras na mawawalan tayo ng gana sa relasyong ito
Darating ang araw at oras na aayawan natin ang isa’t isa
At darating ang araw at oras na susuko tayong dalawa

Ngayon, ang maipapangako ko lang sayo subukin man ng panahon ang ating relasyon. Pipiliin kita.

Pipiliin kita kahit may araw na ayaw mo na
Pipiliin kita kahit may araw na sumusuko ka na
Pipiliin kita kahit may araw na hindi tayo magkaintindihan
Pipiliin kita kahit sobrang hirap na ng ating sitwasyon at kalagayan
At pipiliin parin kita kahit makalimutan mo na ang mga pangako mong pangmatagalan

Araw-araw kitang pipiliin dahil kahit mawala man ang lahat ng kilig, mabago man ang tingin at mawala man ang dating pag-ibig. Pipiliin kita.

Pangakong pipiliin parin kita ng paulit-ulit kahit mawalan pa ng dahilan para piliin ka pa dahil mahal kita.

DT: J.Santiago