Wasak Na. Wakas Na.
Categories Poetry

Wasak Na. Wakas Na.

Sa wakas ako ay napagod
Hindi, pagod na pala
Lumamig na ang kape na tinimpla
Na kahit lagukin an nakakatulog na

Sa wakas ay pagod na ang mata
Ang bagyo na dinala mo’y titila na
Mali, tumila na pala
Tanggap ko na
Sumilong ka lang at ika’y aalis na,umalis na, nakaalis na

Nakakatawa
Sisilong ka lang pala
Dadaan ka lang pala
Dumaan ka lang pala
Bakit kailangan mo pang mangwasak at mang pinsala?

Ang sakit lang kasi
Oo, silong lang ang ginawa mo
Pero kinuwento mo lahat ng tungkol sayo
Ang sakit, nakakatawa, nakakaawa

Ang peyborit mong kanta na peyborit ko rin
Ang mga tulang sinulat mo na bibigyan ko ng title
Ang hinaing mo sa buhay na hinaing ko rin
Kung paano tayo tumawa at nagalit sa rehimen
Naaalala mo pa ba, yung nakakatakot na aking pinabasa
Umiyak ka kasi natatakot ka
Tumawa ako at sinabing tayo ang tatakot sa kanila

Naalala mo pa ba ang usapan natin na hanggang umaga?
Na kahit walang tulog ay ang saya saya
Tawa lang tayo nang tawa
Minsan ay hihikbi kasi mundo naman sa atin ang tumatawa

Naalala mo pa ba kung paano tayo mag usap?
Lasing ka, pinapatulog na kita pero sabi mo, “kausap pa kita,’wag muna”
Narinig ko kung paano ka humikbi,lumuha
Dun ko hiniling na nariyan ako sana, inaaalalayan ka

Naalala mo pa ba kung paano mo kinuwento ang nakaraan?
Ang pagkakamali,pagsisisi at panghihinayang, kung paano mo ito sinayang

Naaalala mo pa ba
Kung paano mo ako naging tahanan tuwing hating gabi na umuuwi ka
Kung paano tayo mag asaran at tawanan ang mundong nakakairita
Kung paano mo ako pinaaalalahanan na “nag mesage lang ako para sabihin sayo na kain na”
Kung paano ka magpaalam dahil kasama ang barkada at lalabas lamang
Pero sa pag uwi ako ang pupuntahan, ako ang tahanan
Ako ang iyong naging tahanan
Tahan na, ligtas ka na, nasa tahanan na kita

Eh yung librong binigay ko sayo
nandiyan pa ba?
Sabay nating binasa at sabay din tayong nagmura
Nakakatawa diba?

Eh yung pagod ako at gumising na walang kain?
Tapos ikaw gumising na may hang over
Mcdo ang napag tripan,nang nakarating sa counter
Sabi mo “kahit ano basta pagkain”
Ang lakas ng tawa mo ‘nung binigyan kita ng snowbear

Umalis ka ng walang sabi
Walang paalam at ako’y naiwan na sa pag alis mo ay naging sarado ang labi
Anong nangyari?
Anong ginawa ko?
May nagawa ba ako?
Sana sinabi mo ang dahilan ng iyong pag lisan
Hindi yung basta basta lang iiwan nang hindi ko alam ang dahilan
Naduwag ka ba?
Bumalik ba ‘sya?
Bumalik ka ba sa kanya?
May bago ba?
Sana sinabi mo, maiintindihan naman kita

Ang sakit lang kasi
Ang sakit sakit na kasi
Hinihintay pa rin kita kasi
Hindi kasi kitang magawang kamuhian at mawaksi
Sa lalim ng pagkatao mo
Ang lalim din ng pagkahulog ko sayo

Buo ako ‘nung nakilala kita
Wasak ka ‘nung nagtagpo tayong dalawa
Niyakap kita nang walang pag aalinlangan
Hindi ko lubos maisip na ako rin ang mawawasak at maiiwan

Akala ko kasi ikaw na ang binigay
Hiniling ko kasi na sana ikaw na lang
Siguro kulang pa ang aking dasal
Siguro kulang pa ang luha,kandila at ang pamimilit ko kay Bathala na sana ikaw na lang ang ibigay

Tama na
Hindi na kasi kasya
Hindi na kasi kasya ang mga salita
Hindi na kasi kasya ang mga salita para sa iyong alaala

Tama na
Wala na akong mailuha
Tuyo na ang mata
Malaya ka na
Malayang malaya ka na
Kakalimutan nalang kita
Tatanggalin ang viber na minsan ay naging tagpuan nating dalawa

Oo nga’t sayo pa rin ako nakagapos
Bakit ba hindi ko ito matapos tapos
Siguro kasi ang alaala mo ay tagos na tagos
Tama na
Wasak na
Wakas na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *