Mga Inutang na binhi
Categories Contribution

Mga Inutang na binhi

Ang lupa ang aking buhay
Ang mga punla ang aking pag-asa
Dugo’t pawis ang pangdilig
Ngunit, bakit sa aki’y walang bumabalik

Libo-libo ang tinanim ngunit barya ko anihin
Napaka lawak na lupaing inalagaan ngunit kailan man ay hindi matatawag na akin
Ang mga bunga na kahit minsa’y di ko natikman
Ako ang nagtanim ngunit bakit walang makain

Itinanim ko ang isang libo at gusto mong bilhin ng sampung piso?
Nanliliit ako.
Kapalit ng ilang buwang paghihintay ay ang kakarampot na barya
Hindi mo ba naiintindihan na inutang ko pa ang binhi
Kailangan ko pang bayaran ang mga makina

Kailan ko ba mararamdaman ang ginhawa, ang pagbabago, ang gobyerno
Nasaan na. Nasaan na.
Kami ang mga magsasakang pilit kinakain ang kakarampot na tutong
Ang kakarampot na barya, ang kakarampot na tulong
Huwag nyo kaming bilugin na sampung-piso na ang tapat dahil alam namin kailanman hindi to magiging sapat.

Kailan man hindi magiging sapat.

Ang lupa na aking naging buhay ay sya rin rin palang saki’y papatay