Ito na naman ako,
Nagmamahal ng patago, Umiiyak sa sulok.
Kupido, baliko na naman ang pagpana mo.
Nahulog na naman ako, Sa taong hindi ako masalo-salo.
Bawat araw ay pagpapanggap ang aking ginagawa,
Upang ikaw ay makausap, magdamag.
Akala ko, gusto mo na din ako.
Linya mong, “Baka makuha ka pa ng iba.”
Tila’y isang patibong lang pala,
Para ako’y mahulog sa bangin ng pagsinta.
Mundo ko’y nawasak, ngiti ay nawala,
Pag-asa’y biglang lumipad sa himpapawid,
Sa linyang, “Hindi ko maibabalik sayo ang pagmamahal na binibigay mo.”
Masakit — masakit nanaman tanggapin, na talo nanaman ako sa pag-ibig.
Ngunit masaya ako dahil hangga’t maaga pa,
Ginising mo na ako sa katotohanan — Katotohanang hindi mo ako gusto.
Salamat at patawad kung ikaw ay nagulo ko.
Akala ko’y ikaw na ang pag-ibig na hinihintay.
Tila’y nalinlang ako ng tadhana pero tuloy pa din ang buhay.
Ngunit, Kupido, mapanakit ka na,
Dahil masakit nang hindi mahalin pabalik ng paulit-ulit.