ITINAKDA
Categories Adulting

ITINAKDA

“Darating din ang oras na masasabi mong, ganito pala ang pag-ibig na hindi hinabol at hindi pinilit kungdi itinakda.”

Nakakapagod din pala na panay na lang tayo ang naghahabol sa pag-ibig na hindi naman inilaan ng panahon. Mahirap din talaga kasi na, palaging emosyon ang pinaiiral, kahit alam naman natin na ang pag-ibig ay isang desisyon. Patuloy lang nating sinasaktan ang ating sarili. Mas pinipili pa kasi natin ang panandaliang sakit, kesa sa panghabang-buhay na saya at may kasamang kilig. Ganyan tayo minsan sa pag-ibig, yung ayos na sa atin ang ipilit kesa sa piliin. Hanggang kelan tayo matututo at matatauhan? Kelan natin hahayaan na ang tadhana ang kumilos para sa taong itinakda sa atin? Ang hirap. Gusto kasi natin mangyari ay yung nais lang natin. Kahit ilang beses na tayong iniwan at sinaktan, panay depensa natin “eh kasi mahal ko” pero kelan mo naman kaya matututunan na mahalin muna ang iyong sarili?

Ang itinakda, ay darating din sa takdang panahon. Kapag alam mo na kung paano magmahal ng walang kondisyon. Kapag alam mo na rin paano mahalin ang iyong sarili. Kapag alam mo na rin na pwede din pa lang ‘wag habulin ang pag-ibig, dahil kusa rin darating yun. Kapag natutunan mo na rin ‘wag umasa sa tao, at umpisahan umasa sa May likha ng pag-ibig. Darating din ang oras na masasabi mong, ganito pala ang pag-ibig na hindi hinabol at hindi pinilit kungdi itinakda.