PART 1: Baka Sakali
Gusto ko sanang balikan ang malawak na daanan,
na madalas kong lakaran habang ika’y nasa isipan.
Mga panahong payapa at mahinahon
ang mundo kung saan tayo naroon.
Gusto ko lang talagang balikan at tuluyan ng tuldukan
Ang mga pangakong sa hangin ay binitawan
At nang sa ganu’y makamit na ang kalayaan
Na sa haba ng panaho’y ipinagdamot sa kamalayan.
Gusto ko na rin kalimutan ang masakit na katotohanan
Na, sa panaginip lang kita nahahagkan.
PART 2: Bakit, atbp…
Dalawang dekada na ang lumipas,
mula nung magpasya akong umiwas.
Lumayo ng bahagya,
para sa pusong gusto ng makalaya.
Ngunit sa di inaasahang araw,
Katahimikan ko’y bigla mong binulahaw.
Ang tagal mo rin pala akong hinanap,
ngayon mo lang ako nahagilap.
Napakadami mong katanungan, na di ko mabigyan ng kasagutan.
Isa na dyan ang tanong mong; “Bakit di mo ko sinabihan?”
Nakakalito, nakakapanibago
Kaya naman nagtanong na rin ako; “May atraso ba ko sayo?”
Sumagot ka rin naman,
Wala nga lang sapat na kalinawan.
Yun bang…parang…gusto mo lang may mapag-usapan,
kahit walang patutunguhan.
PART 3: Paalam na.
Minsan tinatanong ko ang sarili,
kung dapat ba kong mag-sisi.
Dahil sa sobrang sayo ay nawili,
Si Tadhana ngayon…sa akin ay naka ngisi.
Na tila…nang-iinsulto na,
Akalain mong kinalimutan kita,
Biglang magpaparamdam ka,
Dito pa sa panahong…di na tayo pwedeng magkita pa.
Di ko akalaing ganito ako ka-Tanga,
Nag-tanim ako ng di kaylanman magbubunga.
Dapat nga atang sinabihan kita,
Pero hayaan mo na, basta! paalam na.