Bagong Normal
Categories Poetry

Bagong Normal

Ngayo’y sadyang nakakalungkot isipin,

Kung paano’ng lahat ay binago ng sakit,

Pati na rin ang natutulog kong pag ibig,

Damdaming pinukaw mo, kahit hindi ibig.

 

Sa aking pananahimik at aking pag iisa,

Nasanay na yata akong walang kasama,

Buhay ko ay payapa, at walang inaalala,

Ni panahon para sa pag-ibig ko ay wala.

 

Ngunit heto, sa aking buhay ay dumating ka,

Na wari bang tumatanaw sa aking bintana,

kumakatok sa pinto ng aking pusong nag-iisa,

nais pumasok para magparamdam ng aruga.

 

Tila baga nakasanayan nang nakakausap ka,

Pagtilaok nga ng manok minsa’y inaabot na,

Kaulayaw ka hanggang pagsapit ng umaga,

Paghimbing at pahinga’y tila nakalimutan na.

 

Mala-pulot sa tamis, mala-rosas sa ganda,

Mga salitang namumutawi sa iyong dila,

Oh, aking pusong tunay ngang kay rupok,

‘di man sigurado, sadyang sayo’y nahuhulog.

 

Ngunit ayon nga sa atin ay naituturo,

Ang tiyak lang sa mundo ay pagbabago.

Napatanong na lang ‘pagkat di matanto,

Sa isang iglap, ikaw ay nagbago’t naglaho.

 

Nasa’n na ang mga gabing tayo’y magkausap,

Mga ngiti at mga mata mong nangungusap,

Mga tula at himig mong para saki’y sinulat,

Pagkabuo ng aking puso’y nilagyan ng lamat.

 

Takbo ng buhay ko ay sadyang iyong binago,

Ngayo ay iniwan mo ang pusong nagdurugo,

Sabihin mo, pa’no pipigilin, pagtibok ng puso,

Kung ikaw na ang hinahanap at sinisigaw nito?

 

Sadyang kay sakit para sa pusong napapagal,

Sinanay mo ang puso ko sa bagong normal,

Ngunit ngayo’y nawala at ‘di na nagparamdam,

Sasanayin muli, aking puso sa bagong normal.