Kamusta na?
Pasensya na, muli kitang iniisip kahit malinaw na wala na talaga.
Nagbabakasali, nagbabakasakali na sa araw araw na pagtakbo mo sa aking isipan baka sakali bukas maibalik natin ang nakaraan at punan ang mga pagkukulang.


Sa bawat araw na lumilipas may laban sa aking puso’t isipan. Ang nais ng isip ko’y limutin ka at magpatuloy sa buhay, ngunit puso ko patuloy na nakakapit, pinipilit ang nararamdaman kahit malinaw na sa akin ay wala ka nang pakialam.


Ayoko pang bumitaw, sa loob ng mahigit animnapung araw, ayoko pang bumitaw, ayoko pang tanggapin na sa paglipas ng panahon mawawala na ang aking damdamin. Kumakapit pa ako sa mga katagang binitawan mo, sa iyong mga pangako na tayong dalawa hanggang sa dulo, pero eto na tayo sa dulo, ilang buwan na ang nakalipas nang magsimula ang ating dulo.

Huwag mong sabihin sa akin na napako ang aking mga pangako dahil tinanggalan mo ako ng karapatan na patunayan ang mga pangako ko nung panahong iniwanan mo ako, nung panahong tinanong kita kung may magagawa pa ako at sinambit mo ay wala.

Batid ko na ayaw mo na, ngunit hindi dahil bumitaw ka, bibitaw na rin ako. Ayoko pang itigil ang pagmamahal ko sayo, kahit wala ka na, kahit malayo ka na, kahit sa buhay mo ako ay iyong inalis na, ayoko pang tumigil sa pagmamahal sayo kasi baka bukas pwede pa, baka bukas kaya pa, baka bukas tayo pa.