Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
Hindi ba pwedeng ako na lang yung makaramdam?
Makaramdam ng bawat pait at sakit na matagal mo nang itinatago sa likod ng mga ngiti mong kay ganda at pinipilit na kalimutan dahil sa hindi mo na kaya pa.
Hindi mo na kaya pang pagbulaanan na hindi mo pa rin pala talaga kayang gumusto at magmahal ng iba dahil ang totoo ay siya pa rin talaga.
Siya pa rin talaga ang nilalaman ng isip at puso mo na kailanman ay hindi napagod na iparamdam na siya lang ay sapat na at hindi ka na hahanap pa ng iba dahil ang tulad niya ay sobra-sobra.
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:
Hindi ba pwedeng ako na lang ang luluha?
Ako na lang ang luluha para sa’yo, sapagkat hindi ko na kaya pang makitang dahil sa kanya ikaw ay lumuha.
Lumuha man ang kalangitan, alam kong siya pa rin ang iyong paglalaanan ng mga luhang pumapatak mula sa iyong magagandang matang siya lang ang tanging nakikita.
Nakikita mo man ako nang malinaw, malabo namang magustuhan mo rin ako gaya ng pagkagusto ko sa’yo.
Hindi ba pwedeng ako na lang ang hindi makatulog sa gabi?
Hindi makatulog sa gabi at yapos ang isang unan na yumayakap sa tuwing malamig dahil sa kakaisip kung saan ka ba nagkulang at nagkamali.
Nagkulang at nagkamali siya noong panahong hindi ka niya pinahalagahan at iniwan nang hindi man lang iniisip kung ano ang iyong mararamdaman.
Mararamdaman mo minsan na parang nasa’yo ang pagkakamali o pagkukulang, pero hindi, ang totoo niyan wala, kahit kailan walang naging mali sa’yo.
Hindi ba pwedeng ako na lang ang malungkot?
Malungkot man ako, isa lang naman ang hinihiling ko kung hindi ang maging maligaya ka.
Maging maligaya ka sana araw-araw dahil ayokong dumating ang araw na sa mga labi mo ay hindi ko na madatnan ang iyong mga ngiti.
Ang iyong mga ngiting nakapanlinlang sa akin, at hanggang ngayon ay gustung-gusto kong makita.
Gustung-gusto kong makita ang masayang bersyon ng sarili mo, kaya kung hahayaan lang ay kukuhain ko na lang ang lahat ng lungkot na umuubos sa buo mong pagkatao.
Hindi ba pwedeng ako na lang ang magkaroon ng pakialam?
Magkaroon ng pakialam sa tuwing malungkot ka, sa tuwing sa tingin mo ay hindi mo na kaya pa, at sa tuwing hindi ka na niya kayang gustuhin pa, pwede bang ako na lang ang may pakialam?
Pakialam, alam kong ni-katiting walang para sa akin, alam kong ang nararamdan ko para sa’yo ay walang paglalagyan dyan sa malawak mong puso at utak na iisa lang ang gusto, ang pakialam niya.
Hindi ba pwedeng ako na lang ang gusto mo?
Gusto mo, kahit kailan at kahit pagbali-baligtarin pa ang mundo, alam kong hindi magiging ako.
Hindi magiging ako, pero nandito pa rin ako kahit iwanan ka man ng lahat ng tao, mapagod man lahat ng kaibigan mo sa pakikinig sa kung anong naging araw mo, wag kang mag-alala, nandito pa rin ako.
Nandito pa rin ako para sa’yo, hindi ko man kayang tumbasan ang lahat ng kaya niya, hindi ko man kayang maging katulad niya, at hindi ko man kayang maging tama para sa’yo, nandito pa rin ako, maghihintay lang sa paglingon mo.
Sa paglingon mo, nandito pa rin ako lumipas man ang araw o linggo, nakatanaw sa malayo habang bumubulong sa hangin at nagtatanong sa langit, at umaasang tatangayin sa iyo na hindi ba pwedeng ako na lang?