Hindi tayo pero parang tayo
Categories Waiting

Hindi tayo pero parang tayo

Hindi natin kaybigan ang panahon. Hindi pabor sa atin ang tadhana sa ngayon.

Gusto kita.

Iyan ang nag-iisang bagay na malinaw sa ating dalawa.

Nakakatawa ‘di ba? Dahil hindi rin malinaw sa akin kung gusto mo ba ako.

Pero ako, gusto kita.

Hindi mo alam kung gaano kita ikinekwento sa Diyos. Hindi mo alam kung gaano ko pinagdarasal ang araw-araw mo. Hindi mo alam kung gaano ko hiniling na sana ako na lang ‘yong tamang tao para sa’yo.

Pero, hindi pa pabor sa atin ang tadhana.

Alam kong kahit masaya ako sa’yo, mali pa itong nararamdaman ko.

Alam kong kahit gusto kita, hindi pa ako ng natuturuan ng Diyos kung paano ka mamahalin sa paraang gusto Niya.

Alam kong kahit masaya naman tayong dalawa, hindi pa tayo hinog at hindi pa handa sa gusto nating tahaking dalawa.

Hindi tayo p’wedeng magtiyaga sa hindi sigurado.

Hindi tayo p’wedeng pumanatag sa ganito — hindi tayo pero parang tayo.

Hindi p’wedeng kapag mayron akong kwento, sa’yo agad ako tatakbo.

Hindi kita pwedeng batiin ng “magandang umaga, gising ka na ba?”, “magandang gabi, matulog ka na ha”, o “kain ka na ha”, dahil ang totoo, hindi naman sa lahat ng kaybigan ko, ganiyan ako.

Kahit gusto kita, at pakiramdam ko — siguro, ay gusto mo rin ako… no’ng tinanong kita “Ano ba tayo?”, ang sabi mo “Di ba, mag-kaybigan tayo?”

Ang gulo talaga.

Alam ko ring ang dulo nito ay magkakasakitan tayo dahil ipinipilit natin ang hindi pa pinapayagan ng pagkakataon, ng panahon at ng ating Ama.

Kung kaya’t pinutol natin ang ugnayan kahit na ayaw ko… sana.

Pero may kaakilap na biyaya ang bawat pagsunod.

May nakahandang biyaya sa bawat paghihintay.

Katulad ni Abraham at ni Jacob.

Umaasa ako na Siyang nagsabing bumitaw muna sa’yo ang Siya ring magtuturo sa ating dalawa ng daan upang muling magtagpo.

Alam ko na sa pagsunod nating dalawa, higit na nagagalak ang ating Ama.

Sa ngayon, lumago muna tayo sa kani-kaniyang mga karera.

Gumawa muna tayo ng mga kwento at alaala na ikekwento natin sa isa’t isa hanggang sa ating pagtanda.

Pero…

Wag mo ring isara ang puso mo.

Kung sa tagpuan ng tamang panahon at tamang pagkakataon ay hindi ako ang masilayan at maabutan mo… tandaan mo na puno pa rin ng saya ang puso ko.

Dahil alam kong naghintay ka sa taong laan at likha para lamang sa’yo.

At hindi kita naagaw sa kaniya.

At kahit ang taong ‘yon ay hindi ako, masaya ako para sa’yo, para sa ating dalawa.

Dahil may pinatunguhan ang pagsunod.
Dahil may kinapuntahan ang paghihintay.
Dahil sa pagbitaw natin sa isa’t isa, mahahawakan natin ang kamay ng taong sa atin ay nilaan Niya.

Pero saglit… pwede rin, malay mo naman, tayo pala talaga.