Pinagkasya sa loob ng ilang letra
Pag-amin ng lihim kong pagsinta
Pilit kinulong sa mga salita
Daloy ng aking nadarama.

Humugot ng lakas ng loob
Bago ko tuluyang pinadala
Kahit walang kasiguraduhan
Nagtiwala sa salitang bahala na

Ano kaya ang iyong tugon
Sa aking munting pag-amin?
Tahimik na naghintay,
Pagtingin mo kaya’y maging akin?

Sa paglipas ng ilang araw
Lahat ay naging malinaw na
Nakakapagod din palang mangarap
Mas nakakasawang umasa

Kung paano ko binuhos ang lahat
Ng aking tinagong damdamin
Puso kong pinaloob sa isang sulat
Na hindi mo man lang nagawang basahin.