Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Ikaw at Ako. Simula palang sinabi mo na, na merong TAYO.

Pero hindi ako naniwala. Pinagtatawanan kita sa bawat subok mong abutin ako.
Mas pinili kong yakapin ang pagtanggap sa akin ng mundo.
Dahil hindi ko alam at maunawaan ang pinipilit mong ako’y sayo.

Kaya ika’y naging makulit at gumamit pa ng ibang tao.
Para lang maintindihan ko na tunay na pag-ibig ang alay mo.
Kung kaya’t tinanong kita, Ano bang alam mo sa salitang ito?
Sinagot mo lang ako ng, hayaan mong ipakilala ko ang sarili ko.

Ilang beses kitang pinaghintay. Sinayang ang oras sa mga maling bagay.
Pero sa bawat isang hakbang, higit ang lakad mo para lang ako’y masabayan.
Ang sabi mo, naghihintay ka lang. mahal mo ako kaya hintay ka lang.
Nakilala ko tuloy na ang pag-ibig ay matiyaga at mahinahon.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Pinagdamutan kita ng atensyon ko. Pinagkait ang buong pagkatao.
Hindi ko masuklian lahat ng binibigay mo. Minsan dahil ayaw ko.
Ganun pa man, ikaw ay nagbigay ng nagbigay at nagbigay. Paulit – ulit.
Nakilala ko tuloy na ang pag-ibig ay mabuti.

Ang bato ko sayo, kaya ko’to. Pero nagbaba ako nung ipakita mo na mas tama ang sayo.
Ang sabi ko, ayaw ko, sobra naman, ang sabi mo dapat ibigay ko.
Ang tanong ko bakit hindi ako, ang sagot mo dapat kasi sila bago ako.
Nakilala ko tuloy na ang Pag-ibig ay hindi mayabang, hindi magaspang at hindi makasarili.

Nasaktan ako, nabigo at niloko. Gusto kong ibalik ang sakit at galit.
Bakit ganito ang maging mabuti? Anong klaseng pag-ibig ba ito?
Ngunit ipinaalala mo kung paano kita sinaktan, binigo at niloko, pero minahal mo parin ako.
Nakilala ko tuloy na ang pag-ibig ay hindi magagalitin at mapagtanim.

Tinuruan mo ako na isuko ang bawat mali, piliing gawin ang tama.
Ipinakita mo na ang buhay ay higit pa sa saya na meron ang mundo.
Na ang pagsunod sayo, ang makasama ka ang tunay na ligaya ko.
Nakilala ko tuloy na ang pag-ibig ay hindi sa masama, kun’di sa kung ano ang tutoo.

Sa ganitong klase ng buhay at pagkatao na meron ako.
Pinili mo na umasa, magtiwala, magtiis hanggang wakas para sa tayo.
Ito ang klase ng pag-ibig na ipinagkaloob mo.
Nakilala ko tuloy na ang pag-ibig ay mapagpapatawad.

Ipinakilala mo sakin ang pag-ibig, ng ipakilala mo ang sarili mo.
Ipinakita mo kung sino talaga ako, ayon sa kung sino ako sayo.
Ipinaranas mo ang ligaya na sayo ko lang pala makukuha, oo sayo!
Kasi naman pala,  IKAW at ang PAG-IBIG  ay iisa. At ngayon AKO ay sayo at meron ng TAYO.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required