Para sa Paborito kong Pagkakamali
Categories Confessions

Para sa Paborito kong Pagkakamali

Gustong gusto kitang kamustahin at kausapin, gusto kong sabihin sa’yo na ikaw ang taong nagturo sa akin kung paano maging matapang, totoo at piliin ang sarili sa dulo. Pero bago ko matutunan ‘to, aaminin kong nasaktan ako ng sobra bago ako makabangon mula sa pagkahulog. Kinailangan kong ikulong ang sarili ko sa aking silid, umiyak ng umiyak hanggang sa makatulog nalang at gigising na may mabigat na dinadala. Araw- araw na lutang, sinisisi ang sarili, walang maayos na tulog at napapatanong ng bakit. Hanggang isang araw nagising akong pagod nalang, pagod na sa mga nangyayari na kahit ako hindi ko na nakilala ang sarili ko. Kaya hinanap ko ang aking sarili at unti- unti kong tinanggap ang mga nangyari. Oo, masakit dahil hindi ko alam ang dahilan kung bakit hindi ako at hindi naging ako. Ngayon gusto ko  nalang magpa- salamat sa’yo, salamat dahil kahit sa saglit na nakasama kita ay may mga alaala akong babaunin hindi man siya katulad ng alaalang nabuo niyo pero para sa akin isa to sa mga alaalang itatago ko habang buhay. Salamat dahil sa iyong pagdating, ang mundo kong unti- unting nagdidilim ay binigyan mo muli ng liwanag at ang mga ngiti ay iyong ibinalik sa aking mga labi. Salamat sa mga saya na nabigay mo sa akin at maraming salamat sa mga aral na natutunan ko sa’yo na dadalhin ko hanggang dulo. Kasama ng salamat ang paghingi ng tawad. Patawad kung nasaktan kita sa ginawa ko, patawad sa nasira ko. Patawad dahil minahal kita kahit hindi dapat, patawad dahil pinili kong sabihin ang totoo at inunahan kita. Nawala man ang isa sa mga iniingatan kong meron tayo, nasira ko  man ang ating pagkakaibigan pati narin ang tiwala mo. Nais ko lang malaman mo na hindi ka nawala sa mga dasal at isip ko. At walang araw na pinagdasal ko na sana dumating yung oras na mabalik yung pagkakaibigan natin.

Sa mga oras na ‘to aaminin ko mayroon parin akong nararamdaman para sa’yo.  Pero ngayon, nandito na ako sa posisyon at oras na unti- unti kong binubuo ang sarili kong nawasak dahil pinili kong mahalin ka. At dahil sa pagmamahal ko sa’yo natutunan kong piliin at mahalin pa ang sarili ko. Sa pagmamahal ko sa’yo natutunan kong harapin ang katotohanan na hindi lahat ay minamamahal pabalik. Sabi ko nga sa’yo noon ikaw ang paborito kong pagkakamali sa buhay ko. At sa mga oras na pinili kitang mahalin kahit walang kasiguraduhan, hindi ako nagsisi. Dahil sumugal ako sa pag-ibig na talo ako pero may napulot na aral. Kaya salamat, salamat dahil sa’yo nagagawa ko na ang mga bagay na minsan tinanong ko ang sarili ko kung kaya ko ba. Minsan kahit gaano kasakit pala yung nadulot ng isang tao sa buhay mo may maitutulong pala sila sa pagbuo mo. At kung dumating ang araw na may magtatanong sa akin kung paano ko nagawa ang mga ganitong bagay sa sarilli ko, sasabihin kong “may isang taong nagpabago ng takbo ng buhay ko” at ikaw ‘yon.

Hindi man tayo magkaayos sa ngayon, hindi mo man ako mapatawad sa mga nagawa ko. Nandito lang ako sa gilid, naghihintay sa pagbalik ng kaibigan ko. Hanggang sa ating muling pagtatagpo Inhinyero.