Current Article:

Pinili parin ang patuloy at paulit-ulit na Magmahal kahit masakit.

Pinili parin ang patuloy at paulit-ulit na Magmahal kahit masakit.
Categories Move On

Pinili parin ang patuloy at paulit-ulit na Magmahal kahit masakit.

Siguro di kayo maniniwala na ang lalaki ay nasasaktan din dahil kaya din naming magmahal ng totoo, lubos at bigay todo.

Yan ang nangyari sa akin. Siya nga pala isa akong widower na may 3 anak. Naging masaya naman in general ang pagsasama namin kahit may isang masakit na pangyayayari din sa loob ng  aming relasyon. Minahal ko ng totoo ang misis ko kaya kahit na may naging mabigat kaming problema, kahit nalamatan ang tiwala pinili ko paring ituloy ang pagmamahal ko sa kanya. Napatawad ko sya alang alang na din sa tatlo naming anak. Ngunit di rin tumagal yung akala ko ay magiging pangmatagalan na pagsasama namin ng bigla syang kunin ni Lord. Ang tanong ko nun bakit kung kailan nagiging ok na ang lahat saka pa sya nawala.

Ilang buwan din masakit sa ulo ang nangyari pero kinailangan ko magpatuloy dahil sa 3 bata na naiwan sa akin.

Makalipas ang ilang buwan may nakilala ako na isang babae na akala ko nung una ay di ko magugustuhan pero napukaw niya ang atensiyon ko. Maganda siya at bata pa, mga 10 taon ang tanda ko sa kanya.

Di ako sigurado kung bakit parang nagustuhan ko siya agad samantalang iilang buwan palang ng mamatay ang asawa ko, siguro dahil sa mabigat na pinagdaanan namin? Di ko alam pero sinubukan ko na ilapit ang sarili ko dito sa  babaeng nakapukaw ng atensyon ko, open minded sya, di ko tinago lahat ng tungkol sa akin pati ang sa 3 anak ko.

Habang nakikilala ko sya nahulog lalo ang loob ko, after a year ng panliligaw ko and more than a year na namatay ang asawa ko ay sinagot nya ako, pakiramdam ko nun nanalo ako ng jackpot, ako na ang pinaka maswerteng nilalang sa buong mundo.

Naging masaya ang relasyon namin, marami kaming napuntahang simpleng lugar n pinasyalan namin. Inalagaan ko sya ng todo, minahal ko ng lubos, wala na ko tinira sa sarili ko kasi lahat ng panahon ay hinati ko sa tatlo. Sa Kanya, Sa mga Anak ko at sa Trabaho.
May mga pinagaawayan din kami, pero siguro dahil sa mas matanda ako ng di hamak kaya kailangan ko siya unawain.

Sa totoo sa pagmamahalan namin, ramdam ko naman na mahal nya ko kahit ayaw nya ipaalam sa iba. Alam ng pamilya nya at pamilya ko ang tungkol sa amin pati na din ng ilang piling kaibigan, pero di alam sa opisina namin at ng ibang mga kaibigan nya especially mga kalaro sa online game na hilig nya. Sa akin ok lang naman kasi ang mhalaga ay kung ano ang alam namin sa isat isa.

Pero nito lang September 10, 2019 ay tumawag sya, malungkot at galing sa iyak, sinabi nya sa akin na di na nya kaya, ayaw na nya, ang dahilan ay di nya daw makita ang future n kasama ang mga anak ko. Kung ako lang daw walang duda na mahal na mahal nya ako. Para akong binuhusan ng isang napakalamig na tubig. Naiyak ako, sinubukan ko na pigilan sya ngunit ayaw na daw talaga nya. Mag 6 years na sana kami sa November.

Ngayong October at malapit na din ang Birthday ko at magiisang buwan na ding walang kami pero patuloy ko padin syang inaalagaan. Susunduin sa babaan nya pag  umaga, sabay mag lunch, at ihahatid ko sya pauwi. Pinili ko yun gawin, kasi Mahal ko talaga siya kahit masakit ang nangyari, well love is a choice sabi nga diba. Martir nga ba ako? Ang alam ko lang nagmamahal ako.

Siya nga pala may hindi ako kinukwento dito sa istorya ng pagmmahal ko na isang detalye kasi sa tingin ko di na mahalaga, kasi ang mahalaga para sa akin ngayon ay, unti unting maka move on ng di iniiwasan ang sakit, maalagaan ko padin siya patungo sa pangarap nya kahit di na ako parte nun, at maibigay ko ang pangangailangan ng mga anak ko.

Kailangan ko magpatuloy sa araw araw kahit may puntong kailangan ko huminto saglit at huminga ng malalim dahil sa alaala na dulot ng  pagmamahal na inakala ko muling pangmatagalan.

Natatakot na ko magmahal ulit, pero mahirap kausap ang puso lalo na pag tumibok ito.

Sa ngayon naghahantay ako at nagbabakasakali na babalik sya at matanggap na ang mga anak ko. Handa ako na tanggapin sya muli sa buhay ko kasi Mahal ko sya. Pero  inalis ko na ang expectation na babalik sya para kung di man mangyari eh, masa madali na tanggapin. Basta hanggat pede ko pa sya alagaan at mahalin ay gagawin ko, para wala rin akong regret sa dulo na di ko binigay ang lahat ng pwede kong ibigay.

Medyo nakukuha ko ng tanggapin. Pero di ibig sabihin ng Ok lang ako ay hindi masakit. May konting kirot padin pag naalala ko at panghihinayang sa inakala kong panghabang buhay.

Iisa lang naman ang takbuhan natin sa ganitong pangyayari sa buhay natin. Yun ay walang iba kundi si GOD. Alam ko may maganda syang plano para sa lahat. Ibinalik ko muna sa kanya ang puso kong wasak na wasak, idinasal na sana ay hilumin nya ang mga sugat nito. Na sana dumating ang panahon na pag ibinalik nya ito sa akin ay wala na ang takot na patuloy na magmahal. Magmahal ng babae na Sana ay matanggap na ang mga anak ko at Sana pang habang buhay na.

Yung picture ang pinakahuling napuntahan namin nitong taon. Di sya mahilig sa tubig at mabasa pero mahilig at masaya sya sa nature.