Tuldok.
Sa haba ng ating pinagsamahan dito na nga siguro matatapos ito.
Sinubukan.
Sinubukan naman nating gumamit ng kuwit, ellipsis, tandang padamdam pero bakit tila nauwi ang lahat sa isang tandang pananong?
Isang tanong na dapat bang ipagpatuloy pa natin ito?
Bakit?
Bakit tila nauubos na ang ating mga tinta,
nitong mga panulat na parehas nating dala-dala,
unti-unti nang lumalabo ang bawat guhit nitong ating mga letra,
na patuloy pa rin sa pagsulat wag lamang ang lahat ng ating pinagsamahan ang tuluyan nang mabura.
Ako’y umaasa na marami pa tayong pupunuin na mga pahina,
ngunit bigla kang tumigil at tuluyan ng nagpahinga,
nakita ko sa iyong mga mata na ika’y sadyang pagod na,
ngunit ako’y sadyang makulit at akin ngang pinilit pa.
Pinilit.
Pinilit kong ipagpatuloy ang kwento nating dalawa,
paulit-ulit kong ginuguhit ang bawat sulok nitong aking mga letra,
dinadaan ko sa diin nagbabaka sakaling meron lang nagbara,
dulo’y aking hinihipan baka sakaling ito’y kayanin pa…
Ngunit sa aking pagpilit may mga bakas akong nakikita,
bakas ng aking pagsubok ang tuluyan nang nagmamarka,
dito sa pahina kung saan mo ako iniwanan mag-isa,
kaya tuluyan nang nasabi sa sarili na “tigil na, tuldukan mo na” ito talaga’y tapos na…
Ako’y tumigil.
Tumigil sa isang kwentong mali na pala simula pa sa umpisa,
sapagkat ako’y nanahan sa sarili kong pandama,
hindi ko ibinigay ang panulat ko sa Iyo O aking Ama,
na Syang nagsulat at nag akda nitong buong biblia.
Pinunasan mo ang luha sa aking mga mata,
at nangakong ako’y magkakaroon muli ng magandang panimula,
ako’y kampante na hinding-hindi na ako mauubusan ng tinta,
ni syang irog ko dahil Sa’Yo na kami pareho pupunta.