Tag ulan na naman pala..
Alin ba ang mas masarap hanapin, Yung mainit na sabaw? Yung kape? O yung mainit mong bisig?
Hindi ko napigilan ang ngumiti habang pinamasdan ang mga batang nagtatampisaw sa ulan. Ang iba’y nagpapaanod pa ng barkong papel sa umaagos na tubig dala ng ulan. Sana lahat, di ba? Iyon bang genuine ang happiness.
Nagkaroon din naman ako niyan, nung unang beses mong inabot yung payong.
Dilaw.
Dahil sabi mo after the rain, the sun shines.
Simula nang dumating ang payong na yan, naging paborito ko na ang tag ulan. Habang ang iba’y naiirita dahil sa mga talsik dala ng tubig, ako naman ay tila lumulundag pa ang puso kapag naaalala ko ang tagpong ‘yon. Hindi ko naman inakala na ito rin ang magdadala ng kapighatian simula nang pinili mong ako’y iwan.
Ngayon hindi nalang pasakit at kamalasan, ako’y nalulumbay din.
Hindi na masaya ang dala sa akin ng ulan. Kahit pa balutin ko ng kapote ang sarili, nababasa pa rin naman ako sa sarili kong uhog at luha.
Pero katulad ng payong na ito, darating din yung araw na hindi ko na magagamit.
Sabi mo nga, after the rain, the sun will shine.
titila ang ulan hanggang hindi ko na kailangan pa ng payong na ito.