Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
DI TAYO PWEDE, DI TAYO TUGMA
Di tayo pwede dahil di tayo tugma.
Di iisa ang ating ipinipinta,
Di iisa ang ating musika,
Di iisa ang ating tula,
Gusto kita, pero kailanma’y di tayo magiging isa.
Di tayo iisa ng pinipinta,
O aking sinisinta.
Iginuguhit ko ang ating tadhana,
ngunit kinulayan mo ito ng kakaiba.
Iba sa aking pananaw, iba sa aking unang nakita.
Ngunit di man tugma ang paleta at tinta,
darating din ang araw na magiging isa tayong obra,
na sumasalamin sa ating tadhana.
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:
Di iisa ang ating musika.
ako ay liriko, ikaw naman ay tono,
ngunit di iisang kanta ang ating binubuo.
Sa pagtipa mo ng gitara, may tunog na nakakahalina,
ngunit sintunado ang musikang sa aki’y nagmumula.
Hindi man tugma ang bawat titik at nota, umasa tayong aawit din ang ating tadhana.
Di tayo iisang tula.
Nagsimula kong sumulat na parang makata,
pumili ng tamang letra para sa ating talata.
Inayos mo ang bawat taludtod,
upang maging maganda ang pagkakasunod-sunod.
Sa ating pagbuo, ating napagtanto,
di pala iisa ang ating ritmo.
Walang nais maiparating ang bawat rima ng tulang ating binuo.
pero wag tayong malumbay at tignan natin ang dulo,
baka sakaling mabigkas din kung san tayo tutungo.
Di man tayo pwede, di man tayo tugma,
maghintay tayo’t makikisama rin ang tadhana.
Ibigay natin ang panulat sa Dakilang Manlilikha,
sing tamis ng ating pagibig ang istoryang Kaniyang ilalathala.
~Para sa mga nais ng puso mo na hindi pwede. 💟