Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Minsan ka na nga lang umibig, bakit ganito pa?
Inakala mong magtatagal, pero biglang naglaho na parang bula
Akala mo seryoso, pero nagbibiro lang pala
Hindi ko namalayan, nawala na lang bigla

Mabilis lang baguhin ng pagkakataon
Ang nararamdamang hindi napapanahon
Kung sakali mang tumagal iyon,
Madali lang lalamunin ng alon

Wag magdagdag ng mga bagay kung ang oras ay hindi pa tama
Hindi porket "pwede" ay nararapat na
Hindi lahat ng "pwede" ay dapat kong ipilit pa
Minsan, ang pag-iwas ang mas makakabuti sa ating dalawa

Mahirap magpatawad kung puno ng galit
Mahirap sumaya ang pusong puno ng pait
Pakiramdam ko'y ipinagkait sa akin ang pag-ibig
Tila hindi ko kinaya nung bigla siyang kumabig

Mga salitang hindi naman niya pinanindigan
Pinuyat, pinaasa, at pinakilig ako pero hindi pinanagutan
Kaya natutunan kong hindi kasalanan ang magdahan-dahan
Kailangang mag-ingat para hindi masaktan

Madalas kong maisip na kailangan niya ako
Madalas niyang iparamdam na mahalaga ako
Pero iba talaga ang "mahal" sa "mahalaga"
Bakit mo ako pinagmukang tanga?

Ayoko nang manisi dahil kasalanan ko din naman
Ayoko nang pumatak ang aking luha sa hindi ko naman dapat iniiyakan
Akin nang papalayain ang sarili sa di makabuluhang kalungkutan
Pipiliin nang umusad dahil yun ang kailangan

Ngayon ang umpisa ng bagong simula
Desisyon kong magpakita ng pagkukusa
Hindi hahayaan na ang nakaraan ang magdikta
Sasalubungin ko ng walang takot ang bagong umaga

Mahirap man ang aking pagdadaanan
Patuloy akong kakapit sa Panginoon na laging maaasahan
Kahit kailan hindi Niya ako binitawan
Hindi man ako perpekto, hindi Niya ako nakalimutan

Patuloy pala Niya akong minahal kahit ang puso ko'y nasayo
Sana noong una palang nalaman ko na ito
Ang pagmamahal Niya lang pala ang kailangan ko
Hindi ko pala dapat yun hinanap sa isang tulad mo

Kaya ngayon ako'y magpapatawad na
Dahil ako mismo ay pinatawad Niya
Nakakatuwa dahil ngayon ako'y lumaya
Sakit ng kahapon ay hindi na mahalaga

Salamat dahil dumating ka sa buhay ko
Mula noon napakaraming nagbago
Hindi na ako ang dating "ako"
Hindi na ako kontrolado ng pagiging marupok ko

Wag kang mag-alala dahil ikaw ay kasama sa aking mga panalangin
Sinadya mo man o hindi, alam kong nasaktan ka rin
Nawa'y ang mga masasakit na ala-ala ay dumaan na lang, parang hangin
Handang handa na akong ikaw ay patawarin
At naniniwala akong darating din ang taong para sa'tin

Hindi ko namalayan // 10.23.2018 // J.D.G.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required