Kahit Na
Categories Poetry

Kahit Na

Sa ‘sanlibong mga tanong at pagdududa,
Sa kabila ng kanilang pagtataka,
Kung paanong pinili natin ang isa’t isa
Sa kabila ng ating pagkakaiba,
Nais kong ipabatid sa iyo
Na hawak mo ang puso ko.
Marami ang magtataas ng kilay,
Sapagkat ang sabi nila’y hindi tayo bagay.
Ngunit mali sila,
Sapagkat marami kang ipinadama,
Na kailanman ay hindi makikita
ng kanilang mga mata.
Kahit na sinasabi nila,
Isang pagkakamali ang piliin ka,
Kahit na ipilit nila,
na posibleng may mas higit na darating pa,
Inuulit ko… hawak mo ang puso ko.
Nang magpasya ako na ibigay ito sa’yo
Nagpasya na rin akong kalabanin ang mundo.
Kahit na ayaw nila,
Kahit na hindi raw ito ang tama,
Kahit na mali raw ang aking pasya,
Kahit na nakadarama rin ako ng pangamba,
Nais kong ipabatid na sa isip ko’y
wala nang makapagpapabago pa.
Sapagkat nararamdaman ko,
Minsan lang darating ang pagkakataong ito,
Ang magmahal at mahalin ng taong ibig ko.
Ang buksan ang puso’t isip ko,
at hayaang may humawak nito.
Kaya kahit na walang kasiguraduhan,
Handa akong sumubok
‘Wag lang malunod sa sanlibong
pagsisisi at katanungan
na hindi ko piniling lumaban.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *