Panggap (Pretend)
Categories Depression

Panggap (Pretend)

Nakangiti, masaya, madaldal at madali makapalagayan ng loob.
Ngunit malakas ang aking kutob.
May maskara itong kausap ko.
Parang walang problema sa unang tingin.
Ramdam ko na malapit na siya mahulog sa bangin.
Hanggang kailan niya ito dadalhin?

Sinubukan ko siyang tanungin.
Ngunit isang malaking ngiti ang isinagot niya sakin.
Ngunit iba ang sinasabi ng kanyang mga mata.
May nakakubling malalim na problema.
Nandito lang naman ako, pakikinggan kita.

Hanggang sinabi niya sakin,
“Natatakot ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
Gumigising ako sa kawalan.
Ang araw ko ay tila walang patutunguhan.
Iniisip nila na kaya ko daw lahat ng problema.
Pero hindi nila alam na malapit na akong malunod at maubusan ng hininga.
Matatapos ang araw na parang walang nangyari.
Naisip ko din na saktan ko ang aking sarili.
Gusto kong kumawala. Gusto ko na mawala.”

Nanggigilid ang kanyang mga luha habang siya ay nagsasalita.
Nagulat ako sa aking narinig.
Isang taong nagdurusa sa likod ng masayang mukha.
Hindi ko alam ang aking gagawin.
Ngunit mas nagulat ako nung nagpasalamat siya sa akin.

Minsan naisip ko na balewalain ang mga tao sa paligid ko.
Ngunit ngayon ay aking napagtanto,
May mga tao na nangangailangan ng tulong,
Ngunit hindi nila kayang sumigaw ng saklolo.
Baka isa ka sa mga ito?