Huwag mo na siyang tanungin ng “Kumusta”,
Kung ang intensyon mo lamang ay gawin siyang pampalipas oras.

Huwag mo na siyang tanungin ng “Kumain ka na?”,
Kung puro mabulaklak at pangakong walang laman lamang ang ipakakain mo sa kanya.

Huwag mo na siyang paalalahanan ng “Ingat ka”
Kung mismong ikaw ang dahilan ng pagka-durog ng puso niya.

Huwag mo na siyang sabihan ng “Gusto kita”
Kung ang gusto mo lamang naman talaga ay ang kilig na naidudulot ng inyong pansamantalang ugnayan.

Huwag mo na siyang sabihan ng “Magpahinga ka na”. Kung sa bawat gabi ikaw ang dahilan ng pagpatak ng mga luha niya — hindi pagkakaroon ng sapat na pahinga kakaisip kung, “Ano nga ba ako sa kanya?”

Madaling magbitaw ng mga pangako at salita kapag masaya ka.
Ngunit ang mga pangakong binitawan ay nasusukat kung totoo, kapag nagka-aminan na.

Paninindigan mo ba?
O maglalaho ka rin katulad ng iba?

Kaya’t kung hindi mo pa kayang tumayo sa sarili mong mga paa.
Pakiusap, huwag mo munang ipilit pa.
Pakiusap, huwag mo munang sindihan ang mitsa ng pagibig sa puso niya.

‘Pagkat ang puso’t diwang uhaw sa pagibig ay napukaw,
Hindi na nakapagiisip pa ng malinaw.
Sa iyo magliliyab kaniyang damdamin,
Apoy na ito’y mahirap ng lupigin.

Huwag mo sanang hayaang maging abo muli kanyang damdamin.
Na kay tagal at pinaghirapan niyang muling buuin.
Kaya’t kung sa tingin mo damdamin mo’y alanganin.
Pakiusap, kanyang puso’y huwag mo munang suungin.