Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

 

” Pipiliin at Iibigin ka kapag pwede na; pag alam kong kaya ko na at handa na ako na ikaw’y makasama –ikaw na magbabago sa takbo ng kuwento, makakasama ko sa bawat breakings and breakthroughs.. “
 … 

Kung hindi pa talaga ito ang ating tamang timing, sige ayos lang. Huwag na muna nating pilitin

dahil sa bawat araw na lumilipas na hindi kita nakakasama, sarili ko ang mas nakikita at nakikilala pa.

Aminado akong hindi pa ako ganuon ka-handa para sa ating dalawa. May mga takot at pag-aalinlangan parin akong nararamdaman. Dahil alam kong hindi matatapos sa mga katagang ” oo, sinasagot na kita ” ngunit ang mga katagang iyan ang magiging simula ng lahat para sa ating dalawa. 

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Mas mabuting hayaan na muna nating unahin ang mga sarili bago natin tuluyang piliin ang isa’t-isa. Huwag muna nating ipilit ang gusto natin dahil sa gusto lang natin; yun bang dala lang ng bugso ng damdamin.

Pag minadali kasi natin, siguradong marami tayong makakalimutan. Para bang pupunta tayo sa isang outing ng biglaan dala-dala ang mga gamit na hindi naman kailangan at yung mga talagang kailangan ang siya pang naiwanan. 

Ayaw ko naman na puro emosyon lang ang pagbabasehan natin para ipilit ang ‘tayo’, ayaw kong magkasakitan lang tayo sa kalagitnaan ng proseso. Relasyong sa umpisa lang masaya at kaunting di pagkakaintindihan lang, mapapagod at bibitaw na’t itatapon nalang ng basta-basta ang mga pinagsamahan nating dalawa sa halip na piliing umupo ng may distansiya, kumalma, at piliing pag-usapan ng maayos ang problema. Ayaw mo rin naman ng ganuon ‘di ba?

Hindi lang ang ‘ngayon’ ang kinokonsidera ko, ngunit maging ang hinaharap na ikaw ang kasama. Gusto ko na sigurado tayong pareho sa isa’t-isa.. hindi lang hanggang sa mag-jowa na puro lambing at kilig, kundi maging hanggang kasalan at bubuo ng sariling pamilya. Magkasabay na tatapusin bawat araw at sasalubungin ang bawat umaga na ikaw ang katabi, kakaharapin ano man ang ibibigay ng bawat araw sa atin, tatanda na ikaw ang kasa-kasama. Hindi iyon biro kaya dapat handa at kaya natin’ pareho. 

Kaya habang naka sara pa ang pinto para sa ating dalawa, sikapin natin na ayusin ang ating sarili. Babaguhin ang mga dapat baguhin, papanatilihin ang mga dapat panatilihin, aalisin ang mga dapat alisin — iiwan ang mga pagkakamali sa kahapon, muling sisimulan ang panibagong ‘ikaw’ at ‘ako’ na bubuo sa ‘tayo’ sa pagkakataong para talaga sa’tin. 

Sa ngayon, patuloy kang parte ng aking panalangin. Darating ang araw, magtatagpo tayo, hindi ko alam kung saan at paano pero makikilala rin kita ng husto, sigurado.

Sisimulan natin sa pagkakaibigan. Yung totoo at puro ang intensiyon at motibo. Iba parin yung relasyong pagkakaibigan ang isa sa mga pundasyon. Mas makikilala kita at makikila mo rin ako.  Makikita ko kung anong klaseng tao ang patutuluyin ko sa buhay ko.

Darating rin ang araw, iibigin ang isa’t-isa kapag pareho na tayong sigurado at handa, kapag kaya at mapapanindigan na ng puso, isipan, at maging ng ating mga bulsa.  

Hindi sapat na isa lang sa atin ang handa.. Kaya pasensiya kana kung pinag-aantay pa kita ha? Para rin to sa ating dalawa.

Ngayon na may mga pag aalinlangan pa, kung hindi pa talaga kaya.. Huwag na muna. Nang hindi natin masasayang ang ating mga oras at panahon. Piliin na muna nating isantabi ang nararamdaman at itutuon ang atensiyon sa mga bagay na ikalalago natin ng magkasabay, habang magkahiwalay.  

Dahil kapag tama na ang panahon at pagkakataon para sa ating dalawa, pareho tayong pakikilusin ng Panginoon para mahanap ang isa’t-isa. Inihanda na tayo para sa relasyong masasabi nating para sa atin talaga. Yung hindi natin pagsisisihan at kaya nating panindigan hanggang sa pagtanda.

At dahil pinipili nating mag-antay ng tama, deserve natin ang relasyong hindi man perpekto pero alam nating totoo at pang hanggang dulo dahil mas pinili nating isantabi panandalian ang kaniya-kaniyang nararamdaman at binigyang daan ang kaniya-kaniyang oras at panahon para sa sarili.

Ang ating magiging kuwento ay isa mga napakaraming kuwento na gugustuhing mapakinggan

at sa pagkakataong iyon, magkasabay na nating tatapusin ano man ang sisimulan;

 

 

_Dræ

Send me the best BW Tampal!

* indicates required